Iligal na inarestong unyonista, pinalaya ng korte

,

Nakalaya na kahapon, Marso 8, ang unyonistang si Dennise Velasco matapos ang isang taon at tatlong buwang pagkakabilanggo. Isa si Velasco sa pitong inaresto sa serye ng mga reyd noong Disyembre 10, 2020 sa Metro Manila na kinilalang Human Rights Day 7.

Gumamit ang pulis ng kwestyunableng mga search warrant para pasukin ang tinitirhan ng pitong aktibista at tanman ang mga ito ng baril at iba pang ebidensya. Ibinasura ng korte sa Quezon City ang ginamit na search warrant na epektibong nagpawalang-saysay sa pinalalabas na ebidensyang mga baril at pampasabog sa kanya.

“Ang pagpapawalambisa sa mga kaso laban kay Dennise Velasco ay patunay na ang mga kaso laban sa kanya at mga aktibistang inaresto gamit ang mga search warrant na inilabas ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert ay pawang gawa-gawa lamang at inimbento,” ayon kay Roneo Clamor, pangalawang pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan.

Si Villavert ay kilalang huwes na naglabas ng mga search warrant na ginamit ng mga pulis sa mga kaso ng pagpaslang o iligal na pag-aresto sa mga aktibista.

Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Velasco sa naging suporta ng kanyang pamilya, mga kapwa aktibsita at progresibo para sa kanyang pagpapalaya. “Maraming salamat sa lahat ng tumulong at sumuporta sa kampanya para sa aking pagpapalaya.” ayon sa kanya.

Sa isang pagtitipon para sa midya kaninang umaga, nanawagan si Velasco kasama ang iba’t ibang mga grupo na kagyat nang ibasura ang mga kasong isinampa laban sa apat na iba pang nakakulong sa Human Rights Day 7. Kabilang dito ang kapwa unyonistang si Joel Demate at mga organisador na sina Romina Astudilla, Mark Ryan Cruz, at Jaymie Gregorio.

Tulad ni Velasco, nauna nang pinalaya ang mamamahayag na si Lady Ann Salem at unyonistang si Rodrigo Esparago nang ipawalambisa rin ang ginamit na mga search warrant laban sa kanila.

“Ang sunud-sunod na pagpapawalambisa sa mga ito ay nagpapakita ng notoryus at walang-batayang paglalabas ng mga search warrant ni Judge Villavert. Malinaw na ginagawa niyang isang pagawaan ng bogus na search warrant ang korte na nagdulot ng iligal na pag-aresto sa 76 na aktibista, mga tagapagtanggol sa karapatang-tao, tagapagtaguyod sa kapayapaan, mga lider pesante at mamamahayag,” ayon pa kay Clamor.

Binigyang-diin ng grupong Karapatan na dapat papanagutin si Judge Villavert sa kanyang mga aksyon laban sa mga aktibista at progresibo.

AB: Iligal na inarestong unyonista, pinalaya ng korte