Imbestigasyon sa interbyu ng SMNI kay Palparan, itinutulak

,

Kinilala at tinanggap ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang naging kamakailang desisyon ng Department of Justice (DOJ) na imbestigahan ang pag-interbyu ng SMNI at National Task Force-Elcac kay Gen. Palparan noong Marso mula sa kanyang kulungan.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, presidente ng NUPL, “Tinatanggap at kinikilala namin ang mapagpasyang aksyong ito ng DOJ habang kinukwestyon ang makasariling … pahayag ng Bureau of Corrections (Bucor) para bigyang-katwiran ang naganap na interbyu ng SMNI sa nakakulong na si Gen. Palparan.”

Binigyan ng DOJ ang Bucor ng sampung araw para magpaliwanag kung paanong nainterbyu ng midya si Palparan habang nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).

Ayon sa DOJ, ipinadala ang show cause order kay Gerald Bantag, direktor ng Bucor noong Mayo 30. Matapos ito ng sariling ‘pagtatasa’ ng ahensya kaugnay ng insidente. Binanggit ng DOJ na ang mga sangsyon na maaaring ipataw ay nakabatay kung magiging kapani-paniwala ang paliwanag ng Bucor.

Si Palparan, kasama ang dalawang retiradong sundalo, ay napatunayang maysala sa kasong pagdkidnap at iligal na detensyon sa dalawang mag-aaral ng UP na sina Karen Empeno and Sherlyn Cadapan. Nahatulan sila ng 40 taong pakakakakulong noong 2018.

Mahigpit na binatikos noong Marso ng mga biktima ng paglabag at pag-abuso sa kapangyarihan ni Palparan ang pagpapahintulot na makapanayam siya ng NTF-Elcac sa SMNI.

“Tanging sa Pilipinas makapagpapahayag ang isang pusakal na kriminal at nahatulang maysala mula sa kanyang selda,” ayon pa kay Ariel Casilao ng Anakpawis Partylist sa isang pahayag noong Marso. Dalawang oras na kinapanayam ni Lorraine Badoy ng NTF-Elcac at isa pang brodkaster ng SMNI si Palparan sa araw na iyon.

Nauna nang gumawa ng aksyon ang NUPL bilang pagpapahayag ng pagkadismaya noong Marso. Nagpadala sila ng sulat sa Bucor para igiit na ilipat si Palparan sa Maximum Secutiry Compound alinsunod sa nakasaad sa batas ng estado.

Samantala noong Mayo, nagsampa ng kasong administratibo sa National Telecommunications Commission sina Concepcion Empeño at Erlinda Cadapan, mga ina ng mga biktima ni Palaparan, para sa hiling nila na tanggalan ng prangkisa ang SMNI.

Umaasa ang NUPL na mayroong mapanagot ang DOJ sa nangyaring paglapastangan sa hustisya at pag-abuso sa kapangyarihan. “Umaasa kami para sa isang makatwirang kongklusyon, dapat mayroong mapanagot sa iligal, insensitibo at walang-ingat na pagpapakita ng espesyal na pakikitungo [kay Palparan] ng mga pampublikong upisyal at lahat ng grupong sangkot sa insidente,” dagdag ni Olalia.

AB: Imbestigasyon sa interbyu ng SMNI kay Palparan, itinutulak