Importasyon ng galunggong, di nagpababa sa presyo
Hindi bumababa ang presyo ng galunggong sa merkado kahit pa labis-labis ang inangkat sa nagdaang mga buwan.
Ayon sa National Fisheries and Aquatic Resources Management Council at Navotas Fishing Operators, nasa 30,000 metriko tonelada lamang ang tinatayang kulang sa suplay ng galunggong sa huling kwarto ng taon. Sa gayon, doble-doble ang pinayagan ng DA na importasyon ng 60,000 metriko tonelada. Mas masahol pa ang rekomendasyon ng NEDA na mag-angkat ng hanggang 200,000 metriko toneladang isda para sa huling kwarto ng 2021 at unang kwarto ng 2022.
Sa kabila ng sobra-sobrang isda, nananatiling ₱200 hanggang ₱240 kada kilo ang presyo ng galunggong sa mga palengke nitong huling linggo ng Nobyembre. Ang pagsirit ng presyo ng isda ang isa sa mga dahilan ng mataas na tantos ng implasyon mula Oktubre.
Una nang tinutulan ng grupong Pamalakaya ang walang pakundangang importasyon ng isda. anawagan ang grupo sa mga konsyumer at manininda na tangkilikin ang lokal na mga isda. Anila, mababa ang kalidad ng imported na galunggong at madali itong madurog.
Ayon sa grupo, ang mataas na presyo ng lokal na galunggong ay dulot ng kontrol ng mga komersyante sa presyo ng isda mula sa pagbili nito sa mga mangingisda hanggang sa presyo nito sa mga palengke. Kadalasang dumadaan sa kamay ng 4-5 komersyante ang isda bago makarating sa palengke at sa bawat yugto ay may karagdagang patong sa presyo nito.
Kahit mataas ang presyo ng mga isda sa palengke, nananatiling mababa ang pagbili nito sa mga mangingisda. Sa Palawan, halimbawa, nasa ₱60 hanggang ₱70 kada kilo lamang ang halaga ng pagbili ng lokal na galunggong.