Inagurasyon ng ilehitimong pangulo, sinalubong ng protesta

,

Para sa mga progresibo, walang dahilan para magdiwang at magbunyi sa araw ng inagurasyon ni Ferdinand Marcos Jr noong Hunyo 30. Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila kung saan inihayag nila ang kanilang pagtatakwil sa rehimeng Marcos II, laban sa pambabaluktot ng kasaysayan at para sa hustisya sa nakaparaming biktima ng batas militar ng kanyang ama. Dala rin nila ang mga isyu ng mamamayan tulad ng dagdag na sahod, at pagbaba ng presyo ng bilihin at langis.

Ani Satur Ocampo, isa sa mga beterano sa pakikibaka laban sa batas militar ni Marcos Sr., “pangunahing may pananagutan dito (sa panunumbalik sa poder ng mga Marcos) ay si President Duterte na siyang naghawan ng landas…Lahat ng aksyon natin para pigilan ang kanyang (Marcos Jr) pag-upo ay binalewala ng COMELEC at ng Supreme Court.”

Ilehitimo rin para sa grupong CARMMA (Campaign Against The Return of the Marcoses and Martial Law) ang inagurasyon kay Marcos Jr. Anila, nanalo ang pamilyang Marcos sa pamamagitan ng pandaraya at pambabaluktot ng kasaysayan.

Kinundena ng mga nagprotesta ang pagpapabango ni Marcos Jr sa mga kasalanan at krimen ng kanyang pamilya, anila “tila iniwasan ni Marcos Jr. na mabanggit ang pasistang diktadura ni Marcos Sr. kung saan ito pinakanakilala.”

Ayon naman kay Renato Reyes Jr., secretary general ng Bayan, ang inagurasyon ni Marcos Jr ay kulminasyon ng tatlong dekadang pagpupumilit ng mga Marcos para makabalik sa poder. Pero hindi nila mababago ang makasaysayang katotohanan ng dinambong na yaman ng kanilang pamilya, laganap ang paglabag sa karapatang-tao at tumindi ang kahirapan nang ipatupad ang batas militar.

Pinuna rin ng mga aktibista ang kawalan ng plano ni Marcos Jr para ibaba ang presyo ng langis at bilihin, lumikha ng trabaho at itaas ang sahod at muling buhayin ang agrikultura.

Ani Tinay Palabay ng Karapatan, simula pa lamang ito ng matagalang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.

Sa Bantayog ng Bayani, sa Quezon City nagkaroon din ng pagtitipon ang mga kaanak at mga aktibista sa panahon ng batas militar. Dito nanumpa sila na ipagpapatuloy ang paglaban sa kasinungalingan ng mga Marcos at para sa kapakanan ng bayan.

Samantala, tatlong kabataan naman ang iligal na inaresto matapos magladlad ng tarpolin sa isang tulay malapit sa upisina ng Commission on Human Rights sa Quezon City. Agad din silang pinakawalan ng mga pulis.

Sa Bicol, pinangunahan ng Anakbayan-Naga ang martsa mula sa Panganiban Drive, Naga City tungong Plaza Oragon upang itakwil ang inagurasyon ni Marcos Jr. Anila, ilehitimo ang kanyang pagkapanalo dahil nakamit ito sa pamamagitan ng pandaraya at pambabastos sa demokrasya ng bansa. Dumalo sa programa ang mga aktibista mula sa iba’t ibang distrito sa Camarines Sur.

Nagkaroon din ng programa sa harap ng kapitolyo ng Cebu kung saan inihayag ng iba’t ibang organisasyon ang kanilang pagkasuklam sa rehimeng Marcos II. Anila, dapat na itakwil ang ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte.

Sa ibayong dagat, pinangunahan ng Never Forget Contingent ang daan-daang nagprotesta sa Times Square, New York City. Sigaw ng kanilang hanay, “Itakwil ang rehimeng Marcos-Duterte! Ipagpatuloy ang pakikibaka para sa tunay na demokrasya!”

Nagtipon naman ang 150 migranteng Pilipino sa California para magpahayag din ng kanilang pagtakwil sa bagong rehimen.

AB: Inagurasyon ng ilehitimong pangulo, sinalubong ng protesta