Inaprubahang panukalang para sa ayuda na Bayanihan 3 — kakarampot na nga, siningitan pa ng pensyon para sa mga sundalo at pulis
Inaprubahan kahapon sa pangalawang pagdiniig sa Mababang Kapulungan ang panukalang Bayanihan 3 na nakatakdang magbigay ng P2,000 ayuda para sa lahat. Ipamamahagiito sa dalawang bigayan ngayong taon. Malayong-malayo ito sa iginigiit ng Ayuda Network na P10,000 kada buwan sa loob ng dalawang buwan. Anang grupo, malinaw na hindi pinakinggan ng mga nagpanukala at nagpasa nito ang hinaing ng maraming sektor. Hiling ng grupo ang makabuluhan, accesible at tuluy-tuloy na ayuda para makabangon ang mamamayan sa pandemya.
Naglaan ang inaprubahang Bayanihan 3 ng P401 bilyong ayuda sa pangkalahatan. ahahati ito sa sumusunod: yuda para sa lahat (P216 bilyon), emergency assistance sa mga apektadong pamilya (P30 bilyon), subsidyo sa sahod (P20 bilyon), ayuda sa nawalan ng trabaho (P25 bilyon), programang pakain (P6 bilyon), ayuda sa mga magsasaka at mangingisda (P30 bilyon), ayuda sa mga kooperatiba (P2 bilyon), ayuda sa pagpapaospital ng mahihirap (P9 bilyon), pandagdag sa suportang pondo ng mga lokal na mga gubyerno (P3 bilyon), testing para sa mga OFW (P500 milyon), at suporta para sa mga estudyante (P4.5 bilyon.)
Ayon kay Judy Taguiwalo, dating kalihim ng Department of Social Work and Development, positibo na makatatanggap ang lahat ng ayuda pero napakaliit ng P1,000 kada pamilya at pahirapan ang paulit-ulit na pagpila. Kung tutuusin, mas malaki pa ang nakukuha ng mga pumipila sa mga community pantry kumpara rito.
Napakaliit ng P30 bilyong ayuda para sa sektor ng agrikultura, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Ayon sa grupo, para matiyak ang seguridad sa pagkain at iwasan ang tuluy-tuloy na pagsirit ng presyo nito, kailangan ng di bababa P145.5 bilyon ang sektor para makabawi sa ibinagsak nito nitong nakaraang mga anihan. Katumbas ito sa P15,000 subsidyo para sa produksyon ng rehistradong 9.7 milyong manggagawa, mangingisda at manggagawang bukid.
Nagulat naman ang mga OFW sa barya-barya na inilaan para sa kanila. Sa dami ng nawalan ng trabaho sa labas ng bansa at napilitang umuwi sa Pilipinas, hindi lamang testing ang kailangan sa sektor. Ayon sa Migrante, ayudang pangkabuhayan na P20,000 ang kailangan nila para makabangon muli.
Kitang-kita na hindi prayoridad ng Bayanihan 3 ang kapakanan ng mga manggagawa, ayon naman sa Kilusang Mayo Uno. Napakaliit ng inilaang ayuda para sa mga nawalan at nabawasan ng sahod, gayong napakalaki na ng ibinagsak sa tunay na halaga ng sahod (P80-100 sa Metro Manila) at naglipana ang mga iskema ng mga kapitalista para lalupa silang baratin. Liban sa kaayusang “no-work, no-pay,” nariyan ang pagpapatupad ng “skeletal force” sa ilalim ng lockdown na nagbunga sa sapilitang “one day duty-one day off” at kaayusang “work-from-home” na lalupang pumipiga ng lakas-paggawa ng mga manggagawa.
Ang inaprubahang bersyon ng Bayanihan 3 ay mas mababa nang P4.6 bilyon kumpara sa orihinal nito. Ang “ayuda para sa lahat” ay galing sa di naipamahaging pondo ng Bayanihan 1 at 2. Malayong mas mababa ito sa unang ipinamahaging ayuda na P8,000 noong 2020 at P4,000 noong Abril. Walang dagdag na bagong pondong inilaan ang mga kongresista para rito.
Masahol pa, isiningit sa Bayanihan 3 ang P54.6 bilyon para sa pensyon ng mga retiradong sundalo at pulis. Mas malaki ito sa inilaan sa mga manggagawang kulang at nawalan ng trabaho, gayundin sa buong sektor ng agrikultura at pangisda. Ibinawas ng isponsor ng panukala na si Rep. Stella Quimbo ang pondong pampensyon sa napakaliit na ngang ayuda sa naghihikahos na mga pamilya. Ito daw ay para “pataasin ang moral” ng mga retiradong pulis at sundalo na nagsilbi diumanong “frontliner” sa pandemya. Pero, walang ni isang sentimong inilaan ang Bayanihan 3 sa mga manggagawa sa kalusugan, ang tunay na mga frontliner sa paglaban sa Covid-19. Ito ay sa kabila ng higit isang taon na nilang hinaing na hindi sila nakatatanggap ng makatarungang kumpensasyon at sa kalakhan ay pinababayaan ng estado.