Interbensyong militar ng US sa Pilipinas at South China Sea sa 2022, bwelado na
Sa tabing ng mga pagsasanay-militar at “malayang paglalayag,” ibinwelo na ng US ang mga mapanghimasok na aktibidad at operasyong militar nito sa Pilipinas at sa South China Sea simula noong unang mga linggo ng 2022. Ang mga aktibidad na ito ay lalong nagpapainit sa militaristang girian sa pagitan ng imperyalismong US at China sa loob at paligid ng Pilipinas.
Noong Enero 27, sinimulan ang pinagsanib na pagsasanay-militar sa pagitan ng mga tropang nabal ng US at Pilipinas sa mga karagatan na saklaw ng Western Command ng AFP (paligid ng Palawan) at Western Mindanao Command (paligid ng Tawi-tawi). Kalahok dito ang walong yunit ng US Navy. Matatapos ang pagsasanay sa Pebrero 2. Bago nito, dumaong sa Manila Bay ang USS Jackson noong Enero 20 habang nagsasagawa ng “malayang paglalayag” sa South China Sea.
Noong Enero 23, isinasagawa ng US ang unilateral na pagsasanay-militar ng mga pwersang Amerikano sa South China Sea. Nilahukan ito ng 14,000 pwersa mula sa USS Abraham Lincoln and USS Carl Vinson, pinakamalalaking barkong pandigma ng 7th Fleet na nakabase sa Japan.
Kabilang sa mga isinagawang pandigmang drill ang maniobrang kontra-submarino, pambobomba at labanan sa ere ng mga jet fighter, paglilipat ng suplay at panggatong sa pagitan ng mga barko at iba pa. Sa gitna ng masisinsing drill na ito, isang F-35, ang pinakaabanteng jet fighter ng US, ang naaksidente at lumubog sa South China Sea.
Ang mga pagsasanay na ito ay bahagi ng pagpapalakas at pagpapakitang-gilas ng ng US laban sa China. Kamakailan, inaprubahan ng gubyerno ng US ang pagpopondo sa Pacific Detterence Initiative na naglalayong “palibutan” ng mga armas, base at pwersang US ang China sa tinatawag na “First Island Chain.” Bahagi ng “chain” na ito ang hilagang bahagi ng Pilipinas.