Isang linggong pakikiisa sa mga rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at Turkey, idineklara ng CPI-Maoist

,

Idineklara ng Komite Sentral ng Communist Party of India-Maoist noong Marso 1 ang isang linggong pakikisa sa mga rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at Turkey.

Ang tinawag nitong “Linggo ng Anti-Imperyalismo” ay magsisimula sa Marso 23 at magtatapos sa ika-53 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan sa Marso 29.

“Itanghal natin ang panawagang ‘Mabuhay ang pagkakaisa at ugnayan ng mga rebolusyonaryo sa buong mundo!’ Hindi maipagtatagumpay ng mamamayan sa buong mundo ang mga demokratiko at sosyalistang rebolusyon nang hindi nagagapi ang imperyalismo. Ideklara natin na sa kabila ng matinding panggigipit mula sa mga imperyalista at kanilang mga kumprador, at sa kabila ng ilang beses pang mga pangmamasaker, gaano man dadanak ang dugo, magtatagumpay ang mamamayan.”

Kasabay ng pakikipagkaisa, itutulak din ng CPI-Maoist ang panawagan para sa pagpapalaya ng mga detenidong pulitikal sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sa loob ng India, gugunitain ng mga kasama ang pagkamartir ng mga rebolusyonaryong sina Bhagat Singh, Rajguru at Sukhdev, mga mandirigmang pinatay ng impreyalistang British noong Marso 23, 1931.

“Sa ngayon, nakikibaka ang mga manggagawa, magsasaka at iba’t ibang sektor para sa mga solusyon sa pundamental nilang mga problema na dulot ng imperyalismo,” ayon sa CPI-Maoist. “Paborable ang sitwasyon para sa rebolusyon sa buong mundo. Tumataas ang pakikiisa at koordinasyon ng mga anti-imperyalistang pakikibaka at mga kilusang rebolusyonaryong sa buong mundo. Ang mga rebolusyonaryong partido, laluna ang mga Maoistang rebolusyonaryong partido, ay nagkokonsolida at umuunlad sa buong mundo.”

Hinikayat ng mga kasama sa India ang ibang rebolusyonaryong pwersa na makiisa sa isang linggong kampanya ng International Committee in Support of People’s War in India laban sa imperyalistang pagsasamantala at pang-aapi.

AB: Isang linggong pakikiisa sa mga rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at Turkey, idineklara ng CPI-Maoist