Isko, binweltahan ng mga manggagawa

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinagsabihan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Mayor Isko Moreno ng Maynila, kasama ng iba pang mga kandidato pagkapresidente sa halalang 2022, na makipagtalakayan sa mga manggagagawa kaugnay ng kanilang mga hinaing. Ginawa ng KMU ang hamon matapos minaliit ni Moreno ang epekto ng kontraktwalisasyon sa sektor ng mga manggagawa.

Sa pahayag ni Moreno noong Oktubre 28 habang nasa Pampanga, minaliit niya ang kontraktwalisasyon sa pagsasabing “hindi ko (iyan) pinoproblema.” Wala sa kanyang plataporma ang pagpapatigil sa kontra-manggagawang patakaran. Sa halip, aniya, pagtutuunan niya ng pansin ang paglikha ng mga trabaho.

Pinagbangga ni Moreno ang pangangailangan ng dagdag na trabaho at ang batayaang mga karapatan ng mga manggagawa para sa seguridad sa trabaho, disenteng sahod, makataong mga kundisyon sa paggawa at iba pang serbisyo.

Sa panunungkulan ni Moreno bilang mayor ng Maynila, hindi bababa sa 8,000 empleyado ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang nagtatrabaho bilang kontraktwal na pawang nakapailalim sa iskemang “job order.”

Para sa KMU, ang kontraktwalisasyon ay isang iskemang nagpapahirap sa mga manggagawa. “Sinusuka namin ang sistemang ito!” sigaw nila.

Ayon kay Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU at kandidato pagkasenador ng Makabayan, pinagkakaitan ng kontraktwalisasyon ang mga manggagawa ng katiyakan sa trabaho at nagdudulot sa kanila at kanilang pamilya ng labis na ligalig, kahirapan at iba pang problema sa pag-iisip. Sa taya ng KMU, ang bilang ng mga kontraktwal na manggagawa sa Pilipinas ay nasa pagitan ng pito hanggang 10 milyon.

Ang laganap na sistema ng kontraktwalisasyon ay isa sa kalakaran ng mga kapitalista sa Pilipinas para pigain ang mga manggagawa. Pinahihina nito ang kanilang mga unyon at kakayahang organisadong makipagnegosasyon at magtanggol sa kanilang mga karapatan. Sa ilalim ng kontraktwalisasyon, napupwersa ang mga manggagawa na tanggapin na lamang anumang trabaho at kundisyon sa paggawa.

AB: Isko, binweltahan ng mga manggagawa