Istasyon ng tren sa India, pansamantalang inokupa ng CPI-Maoist
Noong Hulyo 31, dalawang oras na kinontrol ng isang yunit ng Communist Party of India-Maoist ang istasyon ng tren sa Jamui District, Bihar para mamahagi ng polyeto kaugnay sa nagaganap na digmaan sa bansa. Ang tren na ito ay bumibyahe mula Delhi tungong Howrah sa India.
Hindi agad tumugon ang mga pwersa ng Central Reserve Police Force sa istasyon sa takot na ma-ambus o mabiktima ng mga landmine.
Ang pagparalisa sa byahe ng tren ay bahagi ng paggunita ng CPI-Maoist ng Linggo ng mga Martir na nagsimula noong Hulyo 28 hanggang Agosto 3.
Bago nito, ilang mga polyeto ang ipinamahagi sa distrito ng Mulugu at Khunti sa Jharkhand. Nakasaad sa polyeto ang panawagang, biguin ang “Operasyong Prahar” na inilulunsad ng reaksyunaryong gubyerno. Ang Operasyong Prahar ay kontra-insurhensyang kampanya ng gubyernong Narendra Modi. Layon nitong tugisin ang mga Naxalites upang tuluyan ng durugin ang insurhensya. Kabilang sa target nito ang mga aktibista na tinagurian ng reaksyunaryong estado na mga “urban Naxals”. Nagbabala rin ang CPI sa paggamit ng mga drone at helicopter at iba pang modernong mga kagamitan pandigma para sa sarbeylans at bombahin ang mga kampo ng mga gerilya at maaaring madamay dito ang mga komunidad ng sibilyan.
Nanawagan ang Partido na dapat nang alisin ang mga kampo ng pulis sa mga paaralan at gusali ng panchayat (barangay hall). Dagdag pa, dapat nang ipamahagi ang lupa ng panginoong maylupa (Zamindar) sa mga mahihirap at walang lupa na mamamayan.
Kinundena rin ng CPI-Maoist ang kapabayaan ng gubyerno ng India na tugunan at pigilan ang pagkalat ng pandemyang Covid-19 at pagpapalabas nito ng mga pekeng engkwentro sa tangkang pagtakpan ang kanilang mga kabiguan.