Itigil ang pagtatayo ng mga dam: Padaluyin ang mga ilog, panawagan ng mga siklista

,

Naglunsad ng “bike run” o pagbibisikleta ang mga aktibista, tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-tao noong Linggo, Abril 16, sa Quezon City. Panawagan nila: Let Our Rivers Flow! (Padaluyin ang ating mga ilog!) Bahagi ito ng kampanyang “Pedal For Rivers: Bikers’ Solidarity Against Destructive Apayao Dams” (Padyak para sa mga Ilog: Pagkakaisa ng mga Siklista laban sa Mapangwasak na mga Dam sa Apayao)

Ang aktibidad ay suporta sa panawagan ng mga katutubong Isnag laban sa pagtatayo ng mga dam na Gened 1 at Gened 2 sa Ilog ng Apayao-Abulog sa prubinsya ng Kalinga. Ilulubog ng mga dam na ito ang hindi bababa walo sa 22 na apektadong barangay, gayundin ang sagradong libingan ng kanilang mga ninuno. Ang pagtatayo ng mga ito ay matagal nang nilalabanan ng mga Isnag. Gayunpaman, ipinagkaloob ni Rodrigo Duterte ang permit para ituloy ang pagtatayo nito sa Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation, isang kumpanyang nakapailalim sa San Miguel Corporation.

Paunang aktibidad din ito sa ika-38 taon ng Cordillera Day na nakatakdang magkasabay na gugunitain sa Metro Manila at Cordillera sa Abril 24. Ang naturang araw ay makasaysayan para sa mamamayan ng Cordillera. Ayon sa Cordillera People’s Alliance, ang organisador nito, paggunita ito sa araw ng pagkamartir ni Macli-ing Dulag, na pinatay ng diktadurang Marcos dahil sa pagtatanggol niya sa lupang ninuno laban sa pagtatayo ng isa ring dam, ang proyektong Chico Dam noong dekada 1970.

Unang ginunita ang araw na ito bilang Macli-ing Memorials noong 1981. Mula noon, taunan na itong ginugunita ng CPA bilang Cordillera Day.

“Nakapaloob sa kritikal na mga araw ang Cordillera Day ngayong taon,” ayon sa CPA. “Isang krusyal na pagkakataon ang parating na eleksyon sa Mayo para itakda kung saan tayo patungo bilang bansang batbat ng maraming krisis.”

Para sa mamamayan ng Cordillera, di maitatanggi ang pagkakahalintulad ng mga rehimen ng diktadurang Marcos at ni Duterte. “Makikita ito sa lantarang agresyon sa aming mga lupa sa ngalan ng pag-unlad, mas malalalang pang-aatake sa aming mga karapatang-tao at pinatinding maniobra para magkalat ng maling impormasyon at rebisahin ang kasaysayan.”

Isang pagkatataon ang Cordillera Day ngayong taon para sa mamamayang Cordilleran sa anim na prubinsya at yaong nakabase sa Metro Manila, kasama ng malawak na mamamayang Pilipino, na ipakita ang kanilang pagkakaisa para sa oposisyong pulitikal at isulong ang adyenda ng mamamayan sa eleksyon, ayon pa sa grupo.

Bago nito, kaisa ang CPA sa pandaigdigang Day of Action for Rivers and Against Dams noong Marso 14. Ginunita ang araw na ito sa buong mundo bilang protesta sa mga proyektong planta para sa hydro-power, operasyon ng mina, paghuhukay para sa langis at polusyon na pumapatay sa mga ilog.

Ang aktibidad, na nilahukan ng iba’t ibang grupo sa mundo, ay nagbigkis sa mga grupong katutubo at mga tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang-tao para “bawiin ang mga ilog sa isang laban para sa kinabukasan.” Kasabay nito ang pagdepensa sa mga karapatan ng mga katutubo para sa kanilang mga lupa at katubigan.

AB: Itigil ang pagtatayo ng mga dam: Padaluyin ang mga ilog, panawagan ng mga siklista