Itinatayong kampo ng Philippine Navy sa Bicol, para sa US?
Hindi malayong muling gawing kampo ng militar ng US ang dating istasyon nito sa Bagamanoc, Catanduanes at ang dating baseng nabal sa Subic, Zambales.
Ito ang pahayag ni Ka Raymundo Buenfuerza, tagapagsalita ng New People’s Army (NPA)-Bicol sa ipinahayag ng Philippine Navy na magtatayo ito ng kampo sa dating pwesto ng US Coast Guard sa Barangay Quigaray, Panay Island, Bagamanoc, Catanduanes. Ayon sa NPA-Bicol, hindi malayong isangkalan ng militar ng US ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) para muling magpwesto ng tropang Amerikano sa estratehikong lugar.
Ang Panay Island sa naturang prubinsya, na nasa bungad Pacific Ocean, ay ginamit ng militar ng US noong dekada 1950-1970. Dati na itong tinarget ng rehimeng BS Aquino na ipaloob sa EDCA noong 2014.
Sa pinakahuling pahayag ng Philippine Navy, magsisilbi umano ang itatayong kampo bilang isa sa kanilang mga Forward Operating Base na magbabantay sa Benham Rise. Sang-ayon ito sa estratehikong plano ng US na tadtarin ng mga base militar ang “First Island Chain” at “Second Island Chain” sa Pacific Ocean upang sagkaan ang pagpapalawak ng militar ng China. Saklaw ng “Second Island Chain” ang Benham Rise na noong 2017 ay ilang buwang kinakitaan ng presensya ng mga barko ng China.
Binatikos ni Ka Raymundo ang pagpangako ni Gov. Joseph Cua ng Catanduanes na magbubuhos ng pondong publiko para lamang maitayo ang nasabing kampo. Sa kabila ito ng kawalang-suporta sa mamamayan ng prubinsya para makaagapay sa malawakang pagkawasak dulot ng bagyo at sa harap ng masidhing krisis sa ekonomya.
Ayon sa mga residente, hindi nagbayad ng upa ang US Coast Guard sa mahabang panahon na pag-okupa nito sa lugar. Lumaganap rin ang mga kaso ng abusong sekswal ng mga pwersa ng US sa kababaihan hanggang sa mga karatig prubinsya. Inalala rin nila ang malimit na pagpunta ng mga submarino ng US na pinaniniwalaang kargado ng mga sandatang nukleyar. Tahasang labag sa soberanya ng Pilipinas o prinsipyo ng pagpapasya-sa-sarili ang presensya ng mga dayuhang armadong pwersa at kanilang mga armas nukleyar.
Pasilidad nabal ng US sa Subic
Kaugnay nito, ibinalita noong Marso 8 ng Department of National Defense na binili na ng Cerberus Capital Management sa halagang $300 milyon ang naluging pagawaan ng barko ng Hanjin Heavy Industries and Construction sa Subic Bay. Inilista nitong kasosyo ang lokal na kumpanyang Agila South Inc.
Ang kumpanyang US na Cerberus ay pinamumunuan ni Dan Quayle, dating bise presidente ng US at kilalang malaking kapitalista sa industriyang militar. Isa sa mga kumpanyang kontrolado ng Cerberus ang Navistar Defense na kinokontrata ng militar ng US para gumawa ng mga sasakyan para sa mga tropa nito. (Dati rin nitong pagmamay-ari ang sa isa pang kumpanya sa industriyang militar na DynCorp.)
Sa pagpalit ng Cerberus bilang opereytor ng pagawaan ng barko sa Subic Bay, malaki ang posibilidad na makuha nito ang kontrata sa konstruksyon ng mahigit 500 barkong pandigma na kakailanganin ng US Navy sa Pacific Ocean. Sa kumperensya noong Pebrero 16-18, sinabi ng US Navy na kailangan nila ang ganito kalaking bilang upang harapin ang lumalaking pwersang nabal ng China, at upang higit pang saklawin ang kalaparan ng naturang karagatan.
Maanomalya rin ang kasunduang “pauupahan” ng Cerberus sa Philippine Navy ang sangkatlong bahagi ng 300-ektaryang pagawaan para umano gawing kampo ng huli. Ang naturang pwesto ay ang mismong lugar kung saan ginagawa, kinukumpuni at minamantine ang mga barko. Malaking posibilidad na maging tabing lang ang Philippine Navy sa pagpwesto ng US Navy at mga barkong pandigma nito.
Sa mga pasilidad sa loob ng mga kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kasalukuyang inookupa ng mga pwersa ng US sa ngalan ng EDCA, walang kapangyarihan ang AFP sa mga dayuhang tropa. Wala ring pananagutan ang US na ipaalam kung anu-ano ang iniimbak nitong mga armas.