Iwaksi ang imperyalistang propaganda sa Ukraine
Ang kaguluhan ng mga imperyalistang bansa ay lumilikha ng paborableng kundisyon para sa mga rebolusyonaryong proletaryo sa iba’t ibang mga bansa na ilantad ang bulok na sistemang kapitalista at ang tumitinding pagsasamantala sa mga manggagawa at iba pang aping uri. Dapat palakasin ng mga partido komunista ang sariling maka-uring inisyatiba at lakas, para labanan ang mga pasistang pwersa at ang paggegerahan ng mga imperyalistang gubyerno, at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kani-kanilang bansa.
Download: PDF
Dapat pasinungalingan ang mga propaganda ng US tungkol sa Ukraine at sa pinalalabas na “paglusob ng Russia.” Dinodominahan ng imperyalismong US ang “naratibo” tungkol sa namumuong gera para pagmukhaing demonyo ang Russia at pagtakpan ang malaking papel nito ng panghihimasok at pang-uupat ng gera sa Ukraine. Ang linya ng US ang dala-dala ngayon ng malalaking news agency at media outlet, pati na rin ng masmidya sa Pilipinas. Kulang na kulang sa kritikal na pagsusuri at pagsasaalang-alang sa impormasyon tungkol sa kasaysayan at reyalidad ng pakikialam ng US at inter-imperyalistang tunggalian para baguhin ang kasalukuyang hatiang imperyalista sa Europe.
Upang iwaksi ang mapanlinlang na propaganda ng mga imperyalista at lubos na maunawaan ang kalagayan sa Ukraine, dapat isaalang-alang at pag-aralan ang sumusunod na impormasyon:
1. Ang Donbass ay isang rehiyon sa silangang bahagi ng Ukraine, sa kanlurang hangganan ng Russia. Isa itong eryang industriyal na umunlad sa panahon ng sosyalismo sa ilalim ng Soviet Union (USSR). Kahit pa bago nabuo ang USSR noong 1922, ang Donbass ay dati nang dinodominahan ng mamamayang Russian (sa usapin ng lenggwahe, kultura at kasaysayan). Lumaki rin ang populasyong Russian sa Donbass nang nagpadala ng mga manggagawang Russian para sa industriyalisasyon noong dekada 1930.
2. Ang Ukraine, na dating bahagi ng Soviet Union, ay isa sa tatlong bansa na bumuo noon ng Commonwealth of Independent States (CIS) kasama ang Russia at Belarus (ang Belarus ay bansa sa hilaga ng Ukraine). Nang binaklas ang USSR noong 1991 matapos ang panunumbalik ng kapitalismo simula 1953, nagkaisa ang mga bansang ito sa Minsk (syudad sa Belarus) na bubuuin nila ang espesyal na military area (na hindi magiging bahagi ng US-led NATO)
3. Noong 2014, naglunsad ng coup ang US sa Ukraine at iniluklok ang isang papet na rehimen sa pamamagitan ng tinatawag na Maidan Revolution. Nang maupo sa poder, naglunsad ang gubyernong Kyiv (na suportado ni Obama) ng walang-habas na pambobomba na tumarget sa sibilyang populasyon ng rehiyong Donbass. Mahigit 14,000 ang namatay sa tinataguriang henosidyo o pogrom laban sa mamamayang Russian sa Donbass. Isa ito sa malalaking krimen ng gubyernong Obama kasabwat ang Ukraine.
4. Nag-armas at nilabanan ng mamamayan sa Donbass ang walang habas na atake ng Kyiv noong 2014. Mula sa gerang ito ay idineklara ang People’s Republic of Donetsk at ang People’s Republic of Lugansk (ang Donetsk at Lugansk ay kapwa mga bayan sa Donbass). Sa negotiations sa Minsk noong 2014 at 2015, kinilala ng Ukraine ang espesyal na katayuang awtonomo (autonomous) ng Donbass. Kasama sa pinagkaisahan ang pag-urong ng lahat ng dayuhang tropa sa Donbass, kabilang ang Ukrainian at Russian army.
5. Malakas ang neo-Nazi (far right groups) sa Ukraine; ang kasalukuyang presidente ng Ukraine, si Volodymyr Zelenskyy, ay anti-Russian Nazi. Idineklara niya noong nakaraang taon na “palalayain” ang Donbass at nanawagan sa mga residente nito na Russian na “umuwi sa Russia.” Mula nakaraang taon, pinalilibutan ng Kyiv ang Donbass ng ilang brigada ng pwersang militar.
6. Noong Disyembre 16, 2021, pinagtibay ng United Nations ang resolution na nananawagan ng “combatting glorification of Nazism, neo-Nazism and other practices that contribute to fuelling contemporary forms of racism.” Dalawang bansa lamang ang tumutol sa resolusyon: ang US at Ukraine
7. Ang pagpapaloob ng Ukraine sa NATO ang isang gustung-gustong mangyari ng US dahil bibigyang-daan nito ang pagpapalakas ng US missile network sa hangganan ng Russia. Meron na itong mga nakapwestong misayl sa Slovenia at Romania; meron din sa Alaska border ng Russia; may base militar din ang US sa Poland; at may mga sandatang militar sa Lituhania, Latvia at Estonia. Noong 2019, umatras ang US sa kasunduan sa Russia tungkol sa produksyon at deployment ng intermediate-range nuclear weapons na dating nagbabawal sa magkabilang panig na magpwesto ng mga misayl na malapit sa kani-kanilang border.
8. Mula mga huling linggo ng Enero, walang patid ang pag-iipon ng Kyiv ng mga pwersang militar para palibutan ang Donbass. Ayon sa ibang ulat, may 13 brigada ang Ukrainian Army ang nakapwesto, at may ilang erya sa Donetsk na inokupa na nito. May impormasyon na nakapwesto sa mga kampo ng Ukrainian army ang mga US military advisors at private military contractors tulad ng Blackwater (Academi). Noong Pebrero 21, iniulat na 1,500 ulit na kinanyon sa loob ng 24 oras ng Ukrainian forces ang Donetsk at Lugansk na sumira sa importanteng mga imprastrukturang sibilyan tulad ng mga power plant. Ilang linggo nang pinalalabas ng US na maglulunsad ng “false flag” operation ang Russia para pagtakpan ang katotohanang matagal nang nakapwesto ang mga military advisors nito sa Ukraine para ikoordina ang mga pag-atakeng ito bilang bahagi ng pang-uudyok ng US para magkaroon ng “paglusob ng Russia.”
9. Ngayong linggo lamang, matapos ang humigit-kumulang pitong taong pagtitimpi, kinilala ng Russia ang People’s Republic of Lugansk at People’s Republic of Donetsk, isang hakbang na matagal nang hinihiling ng mga independyenteng republikang ito. Iniangat nito ang Donetsk at Lugansk mula sa dating awtonomong bahagi ng Ukraine tungo sa hiwalay na mga republika. Sa pagkilala ng Russia sa dalawang independyenteng estado, tahasan nitong idineklara na wala itong intensyong sakupin ang mga ito. Noong Pebrero 22, pormal na humiling ng tulong militar ang dalawang estado para kontrahin ang anila’y “agresyong militar ng rehimeng Ukrainian” sa loob ng kanilang mga teritoryo. Dulot ng tuluy-tuloy na panganganyon ng mga pwersang Ukrainian, mahigit 40,000 sibilyan ang nagbakwit tungong mainland Russia. Bilang tugon, nagpadala ng mga tropang “peacekeeping” ang Russia sa rehiyon.
10. Nag-utos ngayong araw ng “special military operations” ang Russia laban sa Ukraine. Ito ay sa gitna ng naiulat na pagtindi ng labanan sa pagitan ng mga hukbo ng Donetsk at mga sundalong Ukrainian sa Donbass. Hindi paglusob o okupasyon sa Ukraine ang deklaradong layunin ng mga inilunsad na atake ng Russia sa mga pasilidad militar sa Ukraine. Ayon sa presidente ng Russia na si Vladimir Putin: “Hindi bahagi ng plano namin ang okupasyon ng mga teritoryong Ukrainian. Wala kaming anumang ipapataw nang pwersahan.” Ang “special military operations” ng Russia na paglulunsad ng atakeng sa mga pasilidad militar ng Ukraine ay sinasabing tugon sa walang-habas na pang-aatake ng papet ng US sa Kyiv laban sa rehiyong Donbass at sa mga independyenteng republika doon.
11. Ang mga pag-atake sa Donbass ay bahagi ng pang-uupat ng US sa Russia para “lusubin” ang Ukraine. Layunin ng US na pasiklabin ang kaguluhan at gera upang palakasin ang bentahan nito ng armas at bigyang-matwid ang pagpapalaki ng ayudang militar sa Ukraine. Pinopropaganda ng US ang “paglusob” ng Russia upang ihiwalay ito sa pandaigdigang upinyong publiko, at gayo’y magamit sa pagpresyur sa Germany at iba pang kaalyado ng US sa Europe na putulin ang pakikipagkalakalan sa Russia, laluna sa pagbili ng langis. Matagal nang kinokontra ng US ang operasyon ng Nord Stream 2, isang bagong pipeline na kayang doblehin ang dinedeliber na natural gas mula Russia patungo sa Germany at Europe.
12. Lumalakas ang panawagan sa iba’t ibang panig ng mundo na itigil ang mga pag-atake ng lahat ng panig, magkaroon ng negosasyon at buuin ang mga kasunduan para sa mapayapang resolusyon ng tunggalian. Magiging sentro sa anumang magiging pag-uusap ang dati nang kasunduan sa Minsk (2015) sa pagitan ng Russia, Ukraine, Germany at France, para makabuo ng bagong kasunduan para tiyakin ang mapayapang pag-iral ng mga bansa sa rehiyon, pati na ang kahingian ng Russia laban sa pagpapaloob ng Ukraine sa NATO at pagwawakas sa gerang henosidyo nito laban sa Donbass.
Pagbubuod:
Ang kasalukuyang kaguluhan sa Ukraine ay manipestasyon ng tumitinding inter-imperyalistang tunggalian. Sa partikular, ang pang-uupat at pagtatambol ng gera ng imperyalismong US at mga alyado nito sa NATO ay may pakay na baguhin ang kasalukuyang imperyalistang hatian, laluna sa usapin ng kalakalan at pamumuhunan, partikular na sa Europe; gayundin na sa imperyalistang hatian sa impluwensya at hegemonya. Sa kabilang panig, ang pagtatanggol ng Russia sa Donbass at pag-atake sa mga pasilidad militar ng Ukraine ay naglalayong panatilihin at patatagin ang kasalukuyang kaayusan na mas pumapabor sa kanyang interes.
May peligrong lumawak ang apoy ng gera sa Ukraine at Europe at magdulot ng labis na pagdurusa sa mga manggagawa at mamamayan sa rehiyon. Pinakanagdurusa sa ngayon ang mamamayan sa Donetsk at Lugansk sa harap ng walang habas na pang-aatake ng Ukraine. Gayon, makatarungan ang pakikipaglaban ng mamamayan ng Donetsk at Lugansk para itaguyod ang kanilang karapatan sa pambansang pagpapasya-sa-sarili at para kunin ang pinakamalawak na suportang internasyunal para sa kanyang hangarin. Magdurusa rin ang mamamayan ng Ukraine dahil sa pag-ubos ng rekurso ng pasistang rehimen sa gera laban sa rehiyong Donbass at pagsubo ng kanyang mamamayan at sundalo sa hindi makatarungang gerang pang-henosidyo, agresyon at okupasyon ng teritoryo.
Ang kaguluhan ng mga imperyalistang bansa ay lumilikha ng paborableng kundisyon para sa mga rebolusyonaryong proletaryo sa iba’t ibang mga bansa na ilantad ang bulok na sistemang kapitalista at ang tumitinding pagsasamantala sa mga manggagawa at iba pang aping uri. Dapat palakasin ng mga partido komunista ang sariling maka-uring inisyatiba at lakas, para labanan ang mga pasistang pwersa at ang paggegerahan ng mga imperyalistang gubyerno, at isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kani-kanilang bansa.