Jalaur Mega-dam: imprastrukturang kapalit ay luha’t dugo ng masa
Inaasahang matatapos ang konstruksyon ng ₱11.2 bilyong proyektong mega-dam sa Barangay Agcalaga, Calinog, Iloilo sa tag-init ng taong 2023. Magiging operational ang Jalaur River Mutipurpose Project Phase II (JRMP II) sa unang kwarto ng 2024, ayon sa anunsyo ng project manager nitong ikalawang linggo ng Mayo.
Ilambuhay na ang naging kapalit ng pagtutuloy ng dam. Noong Disyembre 2020, inaresto at pinaslang ang mga lider ng organisasyong Tumanduk (Tumandok nga Mangunguma nga Nagapangapin sa Duta kag Kabuhi) na matinding tumututol sa mapanirang proyektong pangkaunlaran.
Ang binansagang pinakamalaking mega-dam sa labas ng Luzon ay kinabibilangan ng 3 dam (reservoir, afterbay, catch dams), isang 6.6-megawatt hydropower plant, at isang 81-kilometrong high-line canal. Natapos na noong nakaraang taon ng Daewoo Engineering and Construction ng South Korea ang 310-metrong diversion tunnel at 30.21 metrong upstream cofferdam. Nagpapatuloy pa ang paggawa ng ibang mga sangkap kabilang ang 109-metrong kataas na dam at 10.65-metrong downstream cofferdam.
Buong pagmamayabang ni Sen. Franklin Drilon, ang nag-isponsor sa proyektong ito sa Kongreso, na ang JRMP II ay “game changer” para sa Western Visayas (na kinabibilangan ng Iloilo, Capiz, Aklan, Antique at Negros Occidental). Ang JRMP II umano ay magbubunsod ng paglaki sa produksyong agrikultural ng rehiyon dahil sa dagdag at pinalawak na irigasyon at dagdag na patubig (wala ba itong pasubali?). Magdadagdag din umano ito sa suplay ng elektrisidad na ngayon ay kontrolado ng olikgarkong si Enrique Razon. (para saan ang additional supply ng electricity?)
Pinondohan ang JRMP II mula sa $203 milyong pautang ng gubyernong South Korea sa pamamagitan ng Economic Development Cooperation Fund at ng Korea Export-Import Bank noong 2012. Sa kabilang banda, ₱2.2 bilyong counterpart fund naman ang sa gubyerno ng Pilipinas.
Ngunit hindi kaagad nakapagsimula ang konstruksyon ng mega-dam project sa Calinog. Sinalubong ito ng matinding pagtutol ng mga grupong pangkalikasan, mga magsasaka, laluna ang mga Tumandok at maliliit na magsasaka. Natuloy lamang ang konstruksyon nito noong Abril 10, 2019 pagkatapos ng mahigit anim na taong pagkabimbin. Ito ay dahil sa presensya sa lugar ng mga tropa ng 12th IB ng Philippine Army at Special Action Force ng Philippine National Police.
Samantala, may isa pang malaking dam, nakaamba ang konstruksyon ng Panay High Dam sa Barangay Tacayan, Tapaz, Capiz. Bahagi ito ng Panay River Basin Integrated Development Project.
May kaakibat na mga panganib sa kalikasan at kaligtasan ng mamamayan ang dalawang dambuhalang proyektong pangkaunlarang ito, ayon sa Panay chapter ng Philippine Misereor Partnership Inc. (PMPI), isang network ng mga non-governmental organization at mga advocacy group. Ganundin ang nakita ng Kalikasan Network-Philippines pagkaraang magsasagawa ito ng pagsisiyasat sa lugar. Lulubog o masisira ang 16 komunidad ng mamamayang Tumandok. Siyam na komunidad ang buong ilulubog ng dam sa tubig, kasama ang mga sakahan at sagradong mga lugar tulad ng libingan.
Malaki rin ang epekto ng dam sa biodiverity ng kagubatang malapit sa ilog, kabilang ang ilang uri ng hayop na endangered o malapit nang mawala. Babala ng mga eksperto, nasa fault line ang target na tayuan ng dam. Ibig sabihin, bulnerable ito sa pagguho kung lumindol, at babahain nito ang mas malawak pang erya.
Mula pa 2011 aktibong nilalabanan ng mga Tumandok ang pagtatayo ng Jalaur Dam. Suportado sila ng maraming grupong makakalikasan at kontra-dam sa loob at labas ng bansa. Noong 2016, itinayo ang Jalaur River for the People’s Movement, isang malawak na koalisyon ng para suportahan ang laban ng mga Tumandok at nilahukan ng mga magsasaka, taong simbahan, estudyante at iba’t ibang demokratikong organisasyon. Sa parehong taon, inilunsad ang unang International Solidarity Mission nilang suporta sa mga lumalabang Tumandok. Nilahukan ito ng mga kinatawan ng mga progresibong organisasyon mula sa limang bansa.
Sa matinding pagtutol ng mga Tumandok, binansagan sila ng lokal na sangay ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na mga “komunista,” “mga lider,” o di kaya’y “mga tagasuporta” ng New People’s Army. Pero alam ng lahat na sila ay lehitimong mga kasapi ng organisasyong Tumanduk. Noong madaling araw ng Disyembre 30, 2020 malagim na pinatay ng mga pulis at militar sa estilong Tokhang ang siyam (9) lider ng Tumanduk sa Tapaz. Samantala sa Calinog, inaresto ang 16 kasapi ng Tumanduk. Hanggang sa kasalukuyan nakakulong pa rin sila at nakaharap sa mga gawa-gawang kasong kriminal. #