Kagyat na pagpapalaya kay Sen. de Lima, iginiit
Lumalakas ang panawagang kagyat na palayain si Sen. Leila de Lima makaraang bawiin kahapon ng isang susing saksi na si Rolan “Kerwin” Espinosa ang kanyang testimonyang nagdadawit sa senador sa iligal na droga. Iginigiit ng mga pwersang oposisyon, mga grupong ng “civil society” at karapatang-tao, at maging ng ilang senador sa United States na dapat palayain na si De Lima.
Ayon sa Amnesty International, ang senadora ay biktima ng paghihiganti sa pulitika dahil sa pagiging kritiko sa brutal na kampanya kontra-droga ng administrasyong Duterte. Nagdulot ng walang kapantay na pagdurusa at troma kay De Lima ang limang taong arbitraryong pagkakulong sa kanya.
Anang Amnesty International, kasunod ng pagbawi ng mga alegasyon laban sa senadora, dapat kagyat at walang kundisyong palayain si De Lima at panagutin ang mga taong responsable sa kanyang hindi makatarungang detensyon at ilang paglabag ng kanyang karapatang-tao.
Kagyat na pagpapalaya rin ang panawagan ng mga kandidato pagkasenador ng blokeng Makabayan na sina Neri Colmenares at Bong Labog, gayundin ng mga progesibong partido tulad ng Kabataan Partylist at iba pa.
Sa kanyang counter-affidavit na ibinigay sa midya, sinabi ni Espinosa na ang kanyang mga alegasyon kontra kay De Lima sa dalawang pagdinig sa Senado noong 2016 ay pawang walang katotohanan. Resulta ito ng panggigipit, intimidasyon at seryosong mga pagbabanta sa kanyang buhay at ng kanyang pamilya.
Noong Nobyembre 5, 2016 pinatay ng mga pulis sa pamumuno ni Major Jovie Espenido si Rolando Espinosa Sr., ama ni Kerwin, habang nasa loob ng kulungan sa Albuera, Leyte. Sa takot, lumagda sa affidavit si Kerwin na inihanda ng pulisya sa pangakong ilalaglag ang kanyang mga kaso kaugnay sa droga. Nag-imbento siya ng mga kwento at idinawit ang senadora sa “illegal drug trade” sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City. Hindi tinupad ng pulisya ang kanilang mga pangako, dagdag pa ni Espinosa sa kanyang counter-affidavit.
Ayon sa abugado ni de Lima na si Atty. Filibon Tacardon, ang pagbawi ni Espinosa sa mga alegasyon laban kay de Lima ay nagpapatunay na pawang gawa-gawang mga testimonya sa dikta ni Rodrigo Duterte. Bago nito, isa sa tatlong kaso ni de Lima ay ibinasura na ng Muntinlupa City Regional Trial Court, Branch 205 dahil sa pagbawi rin ng mga saksi sa kanilang mga testimonya laban sa senadora.
Nakakulong si De Lima sa Camp Crame, Quezon City simula pa noong Pebrero 2017. Sa kanyang pahayag mula sa kulungan ngayong araw, sinabi niyang naniniwala siya, na gaano man magsinungaling si Duterte at gumamit ng pekeng mga saksi laban sa kanya, sa kahuli-hulihan ay palalayain siya ng katotohanan. Naniniwala siyang ang kanyang 5-taong pagkakabilanggo ay bunga ng “paghihiganti” ni Duterte laban sa kanya.
Aniya, inaasahan iyang paparami pang mga “saksi” ang lalabas at mangungumpisal na sila’y tinakot, pinwersa o sinuhulan para gumawa ng mga kakatawa at imposibleng kwento laban sa kanya. “Inaasahan kong isisiwalat nila ang mga pangalan ng mga upisyal ni Duterte na sangkot sa matinding frame-up, nang sa gayon ay mapapanagot ko sila sa ginawa nila sa akin,” aniya.
Samantala, inamin ni Rodrigo Duterte na “isang kahambugan lamang” ang kanyang pangako na lulutasin niya ang problema sa iligal na droga sa loob lamang ng anim na buwan makaraang makaupo siya sa poder bilang pangulo ng bansa.
Ang malungkot dito, sabi ni Atty. Edre Olalia ng National Union of Peoples’ Lawyer, napapaniwala ni Duterte sa kanyang kahambugan ang mamamayang Pilipino sa loob ng anim na taon at kumitil ito ng mahigit 30,000 na buhay ng pinagdudahang sangkot sa droga.#