Kalagayan ng mga manggagawang bukid sa mga plantasyon ng oil palm sa Sabah
Barat ang sahod, walang proteksyon sa pandemya
Matapos ang mahigit isang taon nang pagkalat ng Covid-19, patuloy at lalupang nagiging bulnerable sa bayrus ang mga manggagawa, kabilang ang mga manggagawang bukid sa mga plantasyon. Ito ang hinaing ng mga manggagawa sa mga plantasyon ng oil palm sa Sabah. Giit nila ang kaligtasan at katiyakan sa trabaho at sapat na kita para maabot ang kanilang batayang mga pangangailangan.
Sa pag-aaral ng Transnational Palm Oil Labour Solidarity (TPOLS), dinetalye nila ang matinding kalagayan sa paggawa ng mga manggagawang bukid sa Sabah sa panahon ng pandemya. Ang TPOLS ay ugnayan ng mga manggagawang bukid sa mga plantasyon ng palm oil sa Malaysia at Indonesia.
Bagamat hiwa-hiwalay ang moda ng pagtatrabaho sa mga plantasyon, hindi ligtas ang mga manggagawa sa Covid-19. Mula 2020 hanggang unang kwarto ng 2021, nakapagtala ang grupo ng may 150 impeksyon sa mga manggagawa. Paniniwala ng TPOLS na mas malaki pa ang tunay na bilang ng nahawa sa Covid-19 dahil bigo ang mga kumpanya na magpatupad ng mass testing at mamahagi ng mga personal protection equipment (PPE). Tinatago rin ng mga ito ang aktwal na bilang ng mga maysakit. Sa Sabah, nakita ang pagkalat ng bayrus sa mga plantasyon ng Sabah Softwood Berhad, FGV at Kretam Holding, pagmamay-ari ng LSP Premiere sa Kinabatangan at Sandakan. Marami rin ang bilang ng nahawa sa erya ng Baturong, Kunak, Matama at Lahad Datu.
Malaki ang posibilidad na magkahawaan ang mga manggagawa sa kanilang siksikang mga tirahan at sa mga asembliyang ipinatatawag ng kumpanya tuwing umaga. Obligado ang pagdalo sa mga asembliyang ito.
Ibinahagi rin ng grupo na mga kababaihan ang pinakabulnerable na mahawa sa sakit na karaniwang arawan ang trabaho. Nagsisiksikan sila sa isang trak papunta at pauwi sa plantasyon. Bulnerable na sa sakit, kadalasan ay malalayo at nasa liblib ang mga plantasyon kung saan bihira ang mga pasilidad pangkalusugan. Iilan lamang ang may clinic at walang wala ditong mga ospital.
Mas matindi ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa. Pinagkakaitan ng pamahalaan ng Malaysia ng pampublikong serbisyo ang mga migranteng walang sapat na dokumento. Nagpataw din ito ng mas mataas na halaga ng pagpapagamot sa mga dayuhan.
Inireklamo ng mga manggagawa ang pagdami ng trabaho na dulot ng pagbabawas ng mga manggagawang regular. Ito ay habang binabarat ang kanilang sahod. Dahil sa mga restriksyon, karamihan sa kanila ang obligadong bumili ng mga pangangailangan sa loob ng plantasyon na halos doble ang halaga.
Kaugnay dito, nananawagan ang UMA sa gubyerno ng Pilipinas sa isang pahayag noong Hunyo 8 na iprotesta ang crackdown sa mga di dokumentadong mga manggagawa sa mga plantasyon sa Malaysia. Ayon sa grupo, mula dekada 1970 ay marami nang manggagawang PIlipino, laluna mga Moro, na nagpunta ng Sabah para takasan ang kahirapan at gerang kontra-Moro ng reaksyunaryong estado sa Pilipinas. Marami sa kanila ay di dokumentado kahit pa doon na ipinangak dahil sa mataas na singil ng pagpaparehistro. Sa taya ng grupo, bumibilang ang mga di dokumentado sa 200,000 sa mahigit 620,000 Pilipino na nakatira ngayon sa Malaysia.
Ang kalagayan ng mga manggagawang bukid sa Sabah ay hindi malayo sa kalagayan ng libu-libong manggagawa sa mga plantasyon ng palm oil sa Pilipinas. Dati nang inireklamo ng mga manggagawang bukid sa Pilipinas ang kakarampot na kita at kawalan ng malinis na tubig at mga pasilidad pangkalusugan sa malalawak na taniman. Madalas ay nag-iipon na lamang sila ng tubig para magbanlaw ng katawan matapos maglagay ng nakalalasong pestisidyo o mag-saboy ng mga pataba.
Target pa ng rehimeng Duterte na magbukas ng isang milyong ektarya lupain para sa plantasyon ng palm oil. Sa halip na proteksyong pangkalusugan sa mga manggagawa, muling pinagtibay ng rehimen noong Pebrero ang 2014-2023 Philippine Oil Palm Roadmap na prayoridad ang ekspansyon at paglikom ng mas maraming mamumuhunan sa industriya ng palm oil.
Ang Sabah, dating North Borneo, ay saklaw ng estado ng Malaysia. Gayumpaman, patuloy na iginigiit ng mamamayang Moro sa Pilipinas, partikular ang Sultanato ng Suli, ang pagmamay-ari dito. Ayon sa kasaysayan ng sulatanato, iginawad ang Sabah sa Sultanato ng Sulu noon pang ika-16 na siglo at ipinaupa sa British North Borneo Company. Ipinasa ito ng British sa gubyerno ng Malaysia noong 1963.