Kalsadang pang-mina, pinigilan ng BHB, 8 armas nasamsam

,

Nireyd ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang detatsment ng mga sundalong nagsisilbing gwardya sa pagtatayo ng kalsadang pangminahan sa Barangay Maraiging, Jabonga, Agusan del Norte noong umaga ng Setyembre 28. Ayon sa ulat ng Lingkawas, walong armas ang nakumpiska ng mga Pulang mandirigma sa mga sundalo ng 29th IB.

Ang 29th IB ay nagsisilbing gwardya ng kumpanyang Z’Charles Construction na may kontrata sa paglalatag ng kalsada para sa pagmimina na pinalalabas na “farm to market road.” Ang kalsadang ito ay magpapadali sa pagpasok ng mga trak na maghahakot ng mga mineral na huhukayin sa lugar. Ang Agusan del Norte ay isa sa prubinsyang mayaman sa mineral na nickel.

Nasamsam ng BHB ang dalawang M16-R4, dalawang M16-A1, isang M14, tatlong .45 pistola, isang Harris radio, mga bala at iba pang kagamitang militar. Apat na sundalo ang napaslang sa naturang labanan habang dalawang iba pa ang sugatan.

Samantala, isang Pulang mandirigma ang nadakip ng mga sundalo. Inartesto rin ng 29th IB ang dalawang sibilyan sa naturang lugar na kinilala bilang sina Andre Pinao at Tungan Lauro.

AB: Kalsadang pang-mina, pinigilan ng BHB, 8 armas nasamsam