Kampanya laban sa “Dirty Dozen,” inilunsad
Inilunsad noong Marso 29 ng International Coaliton of Human Rights in the Philippines ang kampanya laban sa tinagurian nilang “Dirty Dozen” upang papanagutin ang pinakamalalalang lumalabag sa karapatang-tao sa Pilipinas. Layunin ng naturang kampanya na patawan ng kaparusahan ang 11 matataas ng upisyal ng rehimeng Duterte at isang husgado sa ilalim ng Magnitsky Law ng US. Ibig sabihin, maaaring hindi sila tatanggapin sa US sa anumang dahilan at lahat ng ari-arian at transaksyon nila doon ay ife-freeze (kukunin) o ipapawalambisa.
Ang tinukoy na Dirty Dozen (maruming dosena) ay ang 1) mga nagdisenyo ng “gera kontra droga” na sina Rodrigo Duterte at Ronald de la Rosa; 2) bahagi ng istruktura ng kumand-at-kontrol ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na sina Gen. Debold Sinas, Gen. Jose Faustino Jr., Gen. Hermogenes Esperon Jr., Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., Gen. Delfin Lorenzana at Gen. Eduardo Ano; at ang mga bahagi ng imprastruktura ng teror ng administrasyong Duterte at sangkot sa pagpapatupad ng panggigipit ng estado sa publiko na sina Christoper Go, Harry Roque, Judge Cecilyn Burgos-Villavert at Lorraine Badoy.
Ang pagtukoy sa 12 ay nakabatay sa tatlong ulat na inilabas ng Investigate PH kaugnay sa mga paglabag sa karapatang-tao sa bansa.
“Pakikilusin sa aming kampanyang “Dirty Dozen” ang civil society para makipagtulungan sa mga parlamento at kongreso sa US, Canada, European Union, UK, Japan at Australia para itulak ang mga ito na gumawa ng hakbang kaugnay sa malalalang paglabag sa karapatang-tao, kasabay (ng mga hakbang) ng ICC (International Criminal Court),” ayon kay Peter Murphy, pinuno ng ICHRP.
Samantala, tinawag ng Asia Forum for Human Rights and Development na inutil ang “joint program” ng United Nations Human Rights Council at ng Department of Justice ng Pilipinas sa pagpigil sa ekstrahudisyal na pamamaslang sa Pilipinas. Ang naturang programa kung saan nakasaad na magbibigay ang UN ng “teknikal na suporta” sa gubyerno ng Pilipinas ay pinirmahan noong Oktubre 7, 2020. Ginawa ito sa panahong malakas ang panawagan para sa direktang imbestigasyon sa gubyernong Duterte dulot ng malawakang paglabag nito sa mga karapatang-tao. Noon pa man, binatikos na ito ng mga organisasayong karapatang-tao at demokratiko bilang kulang na kulang na hakbang.
Kamakailan, inihayag ni Ahmed Adam ng Asian Forum na “nananatiling di sapat (ang programa) para tugunan ang sistematiko at laganap na paglabag sa karapatang-tao at tiyakin may napapanagot.” Ginawa ni Ahmed ang pahayag sa ika-49 sesyon ng UN Human Rights Council noong Marso.