Kasamang Tony: Alagad ng sambayanan, huwaran ng katatagan at kababaang-loob
Ika-28 ng Mayo, pasado alas-otso ng gabi, sa lambong ng dilim ay patraydor na sinalakay ng mga berdugong galamay ng pasistang estado si Kasamang Tony, 80 taong gulang, habang natutulog sa kanyang duyan. Binulabog ng sunud-sunod na putok ang tahimik at payapang baryo ng Upper Poblacion, bayan ng Pilar, Camotes Island, Cebu. Isa na namang malagim na kaso ng pamamaslang ang isinagawa ng pasistang rehimen.
Wala na sa atin si Kasamang Rustico Luna Tan, Father Tikoy o simpleng Tikoy, sa maraming malapit na kakilala, kaibigan o kaanak. Siya si Kasamang Tony sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, ang minamahal nating dating alagad ng Simbahan na namulat sa pambansa-demokratikong adhikain at piniling maging tagapagsilbi ng sambayanan hanggang sa huling sandali.
Buong pagngingitngit nating kinukondena ang panibagong kalupitan ng arogante at uhaw-sa-dugong rehimen ni Duterte at ang galamay nitong mersenaryong AFP-PNP. Muli, ipinamukha sa atin ng rehimeng ito ang isa na namang patraydor at walang pakundangang paglapastangan sa International Humanitarian Law at kahit sa sarili nitong batas. Hayagang ibinandera ng ulol na pangulo sa Malacañang ang kawalang respeto at pagyurak nito sa mga naunang pinagkasunduan ng GRP at NDFP.
Hibang na hinahabol ni Duterte at ng kanyang mga galamay ang target na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa ikasisiya ng kanilang imperyalistang mga amo. Kung inaakala ng rehimeng ito na matatakot at mapatatahimik nila ang mamamayan, nagkakamali sila. Ang bawat Kasamang Tony na kanilang ibubuwal ay katumbas ng laksang pagbangon ng mga inaapi upang sa takdang panahon, sisingilin at pagbabayarin sila sa patung-patong na krimeng ginawa nila sa bayan. Bilang na ang mga huling araw ng mga pasista.
Ipinagluluksa natin ang pagpanaw ni Kasamang Tony. Kaalinsabay, binibigyan natin ng pinakamataas na pagpupugay ang kahanga-hangang buhay na iniambag niya sa rebolusyon – ang matapat niyang paglilingkod sa Partido at sambayanan at pagsasabuhay ng mga prinsipyo at adhikain nito hanggang sa kahuli-hulihan niyang hininga.
Panimulang pagkamulat
Mula pagkabata ay kinagisnan na ni Ka Tony ang kahirapan at karalitaan ng mamamayan. Ipinanganak siya noong ika-21 ng Enero, 1941, sa bayan ng San Carlos City, Negros Occidental. Sa murang edad ay kakikitaan na siya ng sadyang pagiging malapit sa masa. Sa tuwina’y kahalubilo niya – kaumpukan, kalaro, kakwentuhan ang mga anak ng maralitang magsasaka at mangingisda sa kanilang lugar.
Mula sa panahong siya ay nag-aaral ng pagkapari hanggang maging ganap na alagad ng simbahan at mag-umpisa ng paglilingkod sa maliit na parokya, hindi kailanman nawala ang pagiging malapit niya sa masa. Bilang alagad ng Missionaries of the Sacred Heart sing-aga pa ng 1968, ang pagiging aktibo niya sa ministry ang higit na nagpalapit sa kanya sa masa, lalung-laluna sa hanay ng mga maralita. Noong 1972, sa panahon na ng Martial Law, itinalaga siya sa isang parokya sa Lapulapu City. Sa Cordova, madalas siyang matagpuan sa mga lugar ng mga maralita ng komunidad, manggagawa at manininda.
Tungong pagbabago ng pananaw at paninindigan
Ang inspirasyong inihatid ng muling pagsigla ng rebolusyonaryong kilusan noong huling bahagi ng dekada sisenta at buong dekada sitenta ang higit na nagpatibay sa paninindigan ni Ka Tony na maglingkod sa masa. Ang kalupitan ng Martial Law ni Marcos, ang nagnanaknak na sistemang malakolonyal at malapyudal at ang hindi masikmurang kabuktutan ng mga naghaharing-uri ang nagtulak sa kanya na malalim na pag-aralan ang ugat ng mga suliranin, baguhin ang pananaw at magpasyang pumanig nang buung-buo sa interes ng inaapi. Isa siya sa mga nangunang nagtaguyod sa pagtatayo ng balangay ng Christians for National Liberation sa Central Visayas sa panahong ito. Nagtungo siya sa kanayunan at naging kasapi ng Propaganda at Organizing team noong 1973, ang kaisa-isang alagad ng simbahan sa Cebu na nagpasyang buong-panahong ilaan ang buhay sa piling ng masang magsasaka.
Pagharap sa mga pagsubok, pagpasan ng mga responsibilidad
Taong 1974, dinakip si Ka Tony ng kaaway habang gumagampan ng gawaing masa. Ipiniit siya kasama ng mga magsasaka. Bumuhos ang mga petisyon at panawagan para sa agad niyang pagpapalaya. Hindi nagtagal, pinalaya siya sa ilalim ng kustodiya ng dating Cardinal Julio Rosales. Sandaling bumalik siya sa pagkapari noong 1975. Ang pinili niyang parokya ay ang sa bayan ng Pilar. Nagpatuloy siya sa pagkilos at ng taon ding iyon, naging kasapi siya ng Partido.
Itinalaga siyang kagawad ng United Front Committee sa Cebu noong 1985. Kumilos siya sa kilusang lihim habang nakabase sa syudad. Dito, masigasig niyang pinangunahan ang pagpapalakas ng pwersa at pag-abot sa pinakamalapad na mapapakilos bilang paghahanda sa nalalapit na pagpapatalsik sa rehimeng Marcos.
Matapos mapatalsik si Marcos noong 1986, kinatawan niya ang Central Visayas bilang negosyador ng National Democratic Front sa rehimen ng bagong luklok na si Corazon Aquino. Hindi magtatagal, babagsak ang negosasyong pangkapayapaan at ilulunsad ni Aquino ang total war. Muling dinakip si Ka Tony noong 1988. Ipiniit siya sa Camp Bago Bantay kasama ng iba pang taga-Visayas. Napawalang-sala siya noong 1990 at agad na bumalik sa gawain.
Tuluy-tuloy na pagpapanday sa ideolohiya
Nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992, isa si Ka Tony sa pamunuan ng Central Visayas na nanatili at matatag na nanindigan sa pagwawasto. Naging matatag siyang sandigan at tagapayo laluna ng mga baguhang kadre at kabataan ng rehiyon.
Tinugunan niya ang panawagan ng Partido na tumungo sa kanayunan at sumapi siya sa Bagong Hukbong Bayan noong 1995. Sa taon ding ito, nahalal siya na kagawad ng Komiteng Rehiyon ng Central Visayas. Itinalaga siya sa Regional Propaganda and Education Bureau mula 1995 hanggang 2001, at sa pangunguna niya, napalakas ng rehiyon ang gawaing edukasyon habang nakabase sa kanayunan.
Taong 2001 naman nang italaga siya sa National Instructors’ Bureau ng Pambansang Kagawaran sa Edukasyon. Dito na magtatagal ang pagpapatupad niya ng mga gawain hanggang sa kanyang pagreretiro noong 2016.
Kinakitaan ng ibayong sigasig sa pagpapatupad ng gawain. Punung-puno siya ng sigla nang ibreyktru ang mga pampartidong pag-aaral at treyning, pagpapatupad ng Padepa at paglahok sa kumperensya. Kahit sa edad niyang lampas na sa edad ng kabataan ay buong sigasig at pagsisikap siyang nakipagsabayan at nakiangkop sa araw-araw na buhay ng mga kasama at masa sa pusod ng larangan ng pakikibaka. Litaw na litaw ang init at sigla ng kanyang pakikisalamuha sa masa at kasama. Gayunman, hindi magtatagal ay mauudlot ito dahil kakailanganin niyang harapin ang bagong tungkulin kaugnay ng gawaing pananaliksik. Ibig sabihin, hihingin ng bago niyang tungkulin ang pagharap sa gawaing opisina at pagsusulat. Anu’t anuman, hindi mapuputol ang kanyang pakikisalamuha sa masa.
Taong 2003 nang magmungkahi si Ka Tony na pumunta sa kanayunan at magsapraktika ng isang programa sa self-sustaining community farming. Ito ay nasa balangkas na tipong breyktru, ipatutupad sa antas ng isang baryo sa ilalim ng pangangasiwa ng lokal na sangay ng Partido at magiging bahagi siya. Para kay Ka Tony, bahagi ito ng gawain niya sa pananaliksik at tiningnang maaaring paghalawan ng mga aral para sa hinaharap. Sa kabilang banda ay itinuring din itong breyk o “pahinga” sa bigat o presyur ng gawaing pagsusulat na kinaharap ni Ka Tony, liban pa sa madalas niya itong iginigiit na dapat maging bahagi ng kanyang gawain. Ito, sa katunayan, ang matagal na niyang gustong gawin. Tinugunan ang kanyang mungkahi at sa loob ng humigit-kumulang tatlong taon ay naging mabunga naman ang resulta nito.
Pormal na inihapag ni Ka Tony ang pagreretiro sa Partido noong 2016. Iminungkahi niyang maipagpatuloy ang naumpisahang karanasan kaugnay ng sustenable at organikong pagsasaka at gugulin ang nalalabing panahon sa Oslob, kung saan siya lumaki, at sa Pilar, ang lugar na pinili niyang pagsilbihan bilang kura paroko matapos ang una niyang pagkakulong.
Inaresto at ikinulong ng kaaway si Ka Tony sa ikatlong pagkakataon noong 2017. Ipiniit siya sa Tagbilaran, Bohol. Halos kasabay ito ng pagpapahinto ni Duterte ng usapang pangkapayapaan, kasunod ng hibang na pagbabansag na “terorista” sa rebolusyonaryong kilusan. Si Ka Tony, sa edad na 76 at retirado na sa Partido ay sinampahan ng gawa-gawang kaso at pinaratangang namumuno sa isang armadong grupo. Pagdating ng 2018, matapos ibinasura ng husgado ang mga kasong ipinataw at nakatakda na sanang lumabas ng kulungan, agad sinampahan si Ka Tony ng panibagong inimbentong kaso sa Negros Occidental kung kaya inilipat siya sa Bacolod City. Ni-release siya on recognizance noong Abril 2019.
Huwaran ng simpleng pamumuhay, pagpapanday ng proletaryong pamilya
Masayahin, madaling makapalagayang-loob, mapagkumbaba, ehemplo ng simpleng pamumuhay – ito ang mga katangiang taglay ni Ka Tony ayon sa mga kasama at masang nakasalamuha niya. Hanggang sa huli, napanatili niyang malusog at malakas ang pangangatawan. Wala siya ni anumang inindang malalang sakit o karamdaman.
May pagkamaligoy ang pagpapaliwanag niya ng mga punto o ideya sa mga sesyon ng pagpupulong, pag-aaral at pagsusulat. Anu’t anuman, maliit na bagay ito. Hindi ito matutumbasan ng kanyang magaan, mahinahon at mapagkasamang paraan ng pagdadala ng kwentuhan kapag nasa labas ng mga pormal na sesyon. Sa ganito mauunawaan nang lubos ang lalim at talas ng mga nais niyang ipahiwatig.
Dahil sa paniniwala niya na magtatagumpay ang rebolusyon at iluluwal ang maaliwalas na kinabukasan para sa mga susunod na salinlahi, binuo niya kaagapay ng kanyang kabiyak ang isang proletaryong pamilya. Nagsikap silang isapraktika ang demokratisasyon ng pamilya. Pinalaki nila ang kanilang mga anak na mapagmahal, responsable at malapit sa masa.
“Who is that big man over there?”, tanong ng paslit sa ina tungkol sa lolo niya na nakita sa unang pagkakataon. Ang “big man” na iyon, bukod sa pagiging lolo niya, ay isang kaibigan, isang kasama at isang rebolusyonaryong martir na nagbuhos ng kanyang buhay para sa bayan. Isa siyang “big man” na hindi kailanman mabubura sa ating isip at puso.
Sabi ng kanyang kabiyak:
“Ang kanyang pamilya ay bahagi lamang ng malawak na mamamayang kanyang pinaglingkuran. Hindi siya akin, hindi siya amin. Sa kahuli-hulihan, siya ay sa buong sambayanan.”
Hanggang sa huli, iginugol ni Ka Tony ang makulay niyang buhay kapiling ng mga hikahos, pinagkaitan, pinagsasamantalahan at nakikibakang masa. Ang kanyang pamana ay mananahan sa maraming puso at isipang kanyang binigyang-inspirasyon. Ka Tony, sa iyong pagyao, lalo lamang naming matatag na ipinangangako na ipagpapatuloy ang iyong mga adhikain!