Kaso kaugnay sa “naglalakbay na mga kalansay” sa Leyte, ibinasura
Ibinasura noong Disyembre 16 ang gawa-gawang kaso kaugnay sa pagpatay sa 15 indibidwal noong dekada 1980 at diumano’y pagtambak sa kanilang bangkay sa isang libingan sa Inopacan, Leyte. Ang desisyon na inilabas ng Mania Regional Trial Court Branch 32 ay nagmula sa “demurrer of evidence” o pagpapabasura sa ebidensya na isinampa nina Satur Ocampo, Rafael Baylosis, Adelberto de Silva, Norberto Murillo, Dario Tomada, Oscar Belleza, Exuperio Llpren at Vicente Ladlad. Iniutos ng korte ang pagpapalaya sa mga nakakulong batay sa kasong ito.
Liban sa nabanggit na mga pangalan sa itaas, iniutos ng korte ang pagbasura ng kaparehong kaso laban kina Benito at Wilma Tiamzon, Lino Salazar, Presillano Beringel, Luzviminda Orillo, Muco Lubong at Felix Dumali.
Sa kabuuan, 38 katao ang sinampahan ng parehong kaso, kabilang sina Jose Ma.Sison, Juliet de lima Sison at Luis Jalandoni — lahat nasa negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan.
Ayon sa pahayag ng National Union of People’s Lawyers o NUPL, ang grupo ng mga abugado na humahawak sa kaso ng mga akusado, ipinabasura ng korte ang gawa-gawang kaso dahil hindi napatunayan ang primaryang krimen ng pagpatay sa sinasabing 15 indibidwal. Anito:
1) bigo ang mga nagkaso na patunayang ang mga kalansay na nahukay mula sa Mt. Sapang Dako, Barangay Kaulsiiha, Inopacan, Leyte noong Agosto 26-29, 2006 ay mga kalansay ng mga pinangalanang mga biktima; at
2) hindi mapagkakatiwalaan ang mga salaysay ng mga saksi kaugnay sa paraan kung paano pinatay ang mga biktima, kung sinu-sino ang pumatay sa kanila at ang kaugnay na mga sirkunstansya sa pagpatay.
Unang isinampa ang kaso noong 2006 matapos ipinalabas ng mga sundalo ng 43rd IB na ang mga narinig nilang “ingay” sa Sapang Dako ay “ingay ng mga multo” ng mga indibidwal na diumano’y pinaslang ng hukbong bayan sa higit dalawang dekada na ang nakararaan. Dulot ng “pagmumulto” na ito, hinukay ng mga sundalo ang isang lugar kung saan natagpuan diumano nila ng mga kalansay ng “15 katao.”
Ang mga “nahukay” na mga kalansay na ito ay una nang ginamit sa isang kasong na una nang ibinasura ng Leyte Regional Trial Court. Sa kasong ito, ang mga kalansay ay “nahukay” sa Barangay Monterico, Baybay, Leyte noong Hunyo 2000. Kabilang sa mga pinangalanang biktima ay sina Concepcion Aragon, Juanita Aviola at Gregorio Eras — ang parehong mga biktima na “nahukay” ulit sa Inopacan sa 2006. Dahil dito, tinawag ang kaso sa Inopacan bilang kaso ng “bumibyaheng mga kalansay.”
“Panahon na para itama ang pagkakamaling ito,” ayon kay Edre Olalia, pinuno ng NUPL. Ikinagagalak ng grupo ang panawagan ng korte para sa sa matagalang kapayapaan, na isa sa mga dahilan kung bakit nito tuluyan nang ibinasura ang kaso ng “bumibyaheng mga kalansay”.