Kaso ng mga manggagawa ng Coke sa Cebu, ibinasura

,

Ibinasura noon pang Enero 7 ng isang lokal na korte sa Mandaue City, Cebu ang kasong direct assault laban sa tatlong manggagawa ng Coca-Cola. Inaresto sila habang marahas na binubuwag ang kanilang piket at kampuhan noong Nobyembre 2018. Isinapubliko ang desisyon nito lamang Pebrero.

Sa isang pahayag ng abugado ng mga manggagawa na si Atty. Kristian Jacob Lora noong Pebrero 21, sinabi niyang ang mga kasong direct assault ay bahagi ng panggigipit at harasment sa mga manggagawa na may layuning takutin sila at pigilan ang kanilang paglaban sa inhustisya at pang-aabuso.

Ang mga napawalang-sala ay sina Vincent Juarez, Gerome Villarino, at Oscar Villarino, mga manggagawa sa planta ng Coca-Cola Philippines sa Mandaue City. Mga kasapi sila ng unyong Progressive Workers Association in Exeltech-Ilaw at Buklod ng Manggagawa-Kilusang Mayo Uno (PWAETCC-IBM-KMU).

Itinayo ng mga mangaggawa ang piket at kampuhan noong 2018 bilang paggigiit na ibalik sa trabaho sa kasamahan nilang iligal na inilagay sa “floating status” (hindi na pinapapasok) ng kumpanya. Marami sa kanila ay matagal nang nagtatrabaho sa kumpanya.

Sa ngayon, tuluy-tuloy ang paglaban ng mga kontraktwal ng Coca-Cola Philippines para sa regularisasyon.

Sa nagdaang limang taon (2017-2021), kabilang ang Pilipinas sa sampung pinakamasasahol na bansa para sa mga manggagawa ayon sa Global Rights Index of the International Trade Union Confederation (ITUC). Napakababa ng nakuhang grado ng Pilipinas kaugnay ng paglabag sa karapatan at pamantayan sa paggawa. Kabilang sa mga ito ang karapatang magwelga, karapatan na bumuo ng unyon at kalayaan sa pagpapahayag.

AB: Kaso ng mga manggagawa ng Coke sa Cebu, ibinasura