Kasong “child abuse” laban sa mga kumupkop sa mga Lumad sa UCCP Haran, ibinasura

,

Tuluyan nang ibinasura ng isang korte sa Davao ang dalawang kasong pag-aabuso sa bata (child abuse) laban sa anim na administrador ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) Haran Center sa Davao City. Isinampa ang gawa-gawang mga kaso noong Abril 2021 matapos ang pagkamatay ng dalawang batang Lumad sa naturang sangtwaryo.

Kinatigan ng korte ang petisyong demurrer of evidence o pagpawalangsaysay sa ebidensya na isinampa nina UCCP Bishop Hamuel Tequis, Rev. Daniel Palicte, Ephraim Malazarte, Linda Trenilla, Grace Avila at dating lider Lumad na si Jong Monson.

Ayon sa korte, bigo ang prosekusyon na ipakita na ang mga administrador ng Haran Center ay responsable sa mga kundisyong nagdulot ng pagkamatay ng dalawang batang Lumad. Isinaad pa ng korte na sa katunayan ay tumulong pa ang UCCP Haran para bigyan ng gamot at kagyat na tulong ang mga bata.

Ayon sa desisyon ng korte, “ni katiting ay walang naipakita para patunayang ang mga akusado ay may masamang hanagarin sa pagtulong at pagkupkop sa mga bata.”

Ang mga pamilyang Lumad na tinanggap at kinanlong sa UCCP Haran sa loob ng limang taon ay itinaboy ng walang-tigil na militarisasyon, pandarahas at pagwasak sa mga paaralang Lumad sa kanilang komunidad ng rehimeng Duterte. Noong nakaraang taon, nagdesisyon na ang mga Lumad na bumalik sa kanilang lupang ninuno at ipagpatuloy ang kanilang laban.

Bago pa ang panggigipit sa mga administrador ng UCCP Haran, tinangka nang buwagin ng lokal na gubyerno ng Davao ang sangktwaryo noong Enero 2020. Iniutos din nonog Marso 2021 ng Anti-Money Laundering Council na i-freeze ang mga akawnt sa bangko ng naturang simbahan.

Makailang-ulit din na ang institusyon ay nired-tag ng gubyerno at mga ahensya nito. Ang ilang mga administrador at lider ng UCCP Haran ay humarap din sa patung-patong na gawa-gawang mga kaso.

AB: Kasong "child abuse" laban sa mga kumupkop sa mga Lumad sa UCCP Haran, ibinasura