Kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr., iniakyat sa Supreme Court

,

Iniakyat sa pinakamataas na hukuman ng bansa ng grupo ng mga biktima ng batas militar noong panahon ng diktadurang Marcos Sr. ang kanilang apela kaugnay sa kasong diskwalipikasyon laban kay Ferdinand Marcos Jr. Tatlong araw makaraan isampa ang apela, inatasan ng Supreme Court (SC) na magbigay ng kanyang komentaryo sa loob ng 15 araw na matanggap ang mandamyento.

Kabilang din sa inatasang magbigay ng kanilang mga komentaryo ang Commission on Elections (Comelec), na pinal na nagbasura sa mga kaso, at ang Mababang Kapulungan.

Pinamunuan ni Fr. Christian Buenafe ang mga petisyuner na nagsampa ng 70-pahinang Petition for Certiorari noong May 16. Hinihiling nila na kagyat na magbaba ang SC ng temporary restraining order (TRO) laban sa proklamasyon ng nagwagi sa katatapos lamang na halalang pangpanguluhan. Kasama sa mga nagpetisyon sina Fides Lim, Ma. Edeliza Hernandez, Celia Lagman Sevilla, Roland Vibal, at Josephine Lascano. Kinakatawan sila ni Atty. Theodore Te.

Naghapag din ng kaparehong petisyon noong Mayo 18 ang grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) na kinatawan ni Atty. Howard Calleja noong Mayo 18. Kabilang sa mga nakapirma sa petisyon sina Satur Ocampo at Boni Ilagan. Hiniling nila sa korte na pansamantalang itigil ang pagbibilang ng boto.

Sa kanilang petisyon, binatikos nila ang resolusyon ng Comelec Second Division noong Enero 17 at ganundin ang resolusyon noong Mayo 10 ng Comelec en banc (nakaupo ang lahat na komisyuner) na nagbasura sa petisyong ikansela ang certificate of candidacy (COC) ni Marcos Jr.

Hinihiling din sa SC ng mga petisyuner na “ikansela at ideklarang void ad initio” (walang saysay sa umpisa pa lang) ang COC sa pagka-presidente ni Marcos Jr. na kanyang isinampa noong Oktubre 2021. Sinabi ng mga petisyuner na sa pagdeklarang walang saysay ang COC ni Marcos Jr., dapat ituring na “stray” (walang bisa) ang mga boto sa kanya. (Sa mga tuntunin ng Comelec, maaari pa ring bilangin ang mga stray vote pero hindi na ito isasama sa pinal na bilangan.) Sa gayon, nangangahulugan itong ang kandidato sa pagka-presidente na nagkamit ng kasunod na pinakamataas na bilang ng mga boto ang dapat iproklamang presidente.

Batay sa parsyal at hindi upisyal na tala ng mga boto, “nakakuha” si Marcos Jr. ng 31,104,175 boto habang si Vice President Leni Robredo ay nakakamit ng pangalawang pinakamataas na 14,822,051 boto.

Ipinupunto ng mga petisyuner na si Marcos Jr. ay hinatulang nagkasala ng isang Regional Trial Court sa Quezon City dahil sa hindi pagbayad ng kanyang income tax returns mula 1982 hanggang 1985. Nanungkulan siya bilang bise gubernador at gubernador ng Ilocos Norte sa panahong ito.

Tahasang nagsinungaling si Marcos Jr. sa kanyang COC, ayon sa mga petisyuner. Anila, tinangkang linlangin ni Marcos ang mga botante sa dalawang pagkakataon. Isa rito ang pagtanggi niyang nahatulan siya ng korte na nagkasala na ang karampatang parusa ay habambuhay na diskwalipikasyon sa pampublikong upisina, pareho sa lokal o pambansang antas.

Nakatakdang magtipon ang Senado at Mababang Kapulungan sa Mayo 23 upang simulan ang pagbibilang ng mga boto para sa mga pusisyon ng presidente at bise presidente, at sa pagproklama sa mga kandidatong nakakuha ng pinakamataas na mga boto.

Sakaling hindi bigyang pabor ang kanilang kahilingan, patuloy pa rin nilang tatawaging iligal ang gubyerno ni Marcos Jr., ayon sa mga petisyuner.#

AB: Kasong diskwalipikasyon laban kay Marcos Jr., iniakyat sa Supreme Court