Kauna-unahang lisensya para sa komersyal pagtatanim ng Golden Rice, pinababawi
Mapanira sa lupa at delikadong kainin ang Golden Rice, pero binigyan ito ng lisensya na itanim sa Pilipinas. Noong Hulyo 21, binigyang permiso ng Bureau of Plant Industry sa ilalim ng Department of Agriculture ang tinaguriang Golden Rice, isang delikado at mapanirang eksperimentong produkto na matagal nang nilalabanan ng mga magsasaka. Sa gayon, naging unang bansa ang Pilipinas sa buong mundo para bigyan ng ng komersyal na paggamit ng mga genetically modified na binhi ng palay.
Noon pang dekadang 1990 sinimulan ang pananaliksik sa pagkarga ng dagdag na bitamina sa palay. Noong dekada 2000, inilako ito ng malalaking kumpanyang kemikal-agrikultural katulad ng Syngenta Corp. sa ilalim ng proyektong Golden Rice. Katuwang ng mga kumpanyang ito sa pananaliksik at produksyon ng binhi ang Bill and Melinda Gates Foundation, isang kunwa’y mapagkawanggawang institusyon ng may-ari ng Microsoft at numero unong panginoong maylupa sa US. Ipinagmalaki ng mga ito ang Golden Rice bilang mas “malusog” na palay dahil sa mas marami diumano ang sangkap na makatutulong sa pagpuno sa kakulangan sa bitamina ng maraming maralitang komunidad. Inaasahan ng mga ito na magiging madali ang pagtanggap sa iba pang genetically-modified na pagkain kung “magtatagumpay” ang Golden Rice.
Mula’t simula, kinwestyon na ng maraming grupo ng magsasaka ang proyektong Golden Rice. Anila, hindi nila kailangan ng palay na mga Vitamin A dahil napakaraming alternatibong pagkain na mas mura, mas madaling iprodyus at di nangangailangan ng patented (o binabayarang lisensya) at genetically-modified na mga binhi. Ayon sa independyenteng mga pananaliksik, sa aktwal ay mas mababa ang sangkap na bitamina ng Golden Rice kumpara sa likas nang pananim ng mga magsasaka tulad ng kamote sa usapin ng beta carotene o bitamina A. Tulad ng ibang pananim na genetically-modified, nakasisira rin ito sa komposisyon ng lupa. Dagdag pa ng mga syentista, ang malnutrisyon sa mga komunidad ay dala ng pangkalahatang kasalatan ng pagkain, at di lamang sa partikular na kasalatan sa isa o ilang bitamina.
Pinasinungalingan ng Masipag, lokal na alyansa ng mga magsasaka, siyentista at mga NGO, na tutugon ang Golden Rice sa problema sa nutrisyon sa bansa. Taliwas sa ipinagmamalaki ng nagsusulong ng GM rice, hindi tiyak na ligtas na gamitin ito ng publiko at anumang dagdag na beta-carotene nito ay nawawala sa panahon na giniling o niluto na ang bigas. Ang pagkalusaw din ng beta-carotene ay maaaring magdulot ng sakit na kanser.
Kinundena ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pagpuri ng PhilRice at IRRI sa pagtutulak sa paggamit ng binhi. Aniya, “walang dapat na ikatuwa sa pagbibigay sa mga gutom at kulang sa nutrisyon na mga Pilipino bilang mga eksperimento sa ngalan ng pagkahaman ng mga korporasyon.” Panawagan nila, bawiin ng Deparment of Agriculture ang ibinigay na permit para sa komersyal na gamit nito.
Batid ng mga magsasaka ang layunin ng malalaking agrokemikal na kumpanya na imonopolisa ang produksyon ng binhi at itali at gawin silang nakaasa rito. Malaki rin ang kanilang pangamba na papatayin nito ang mga lokal na barayiti o tipo ng palay, katulad ng nangyari sa mga mga pananim na hinalinhan na ng genetically-modified na binhi.
Paliwanag ni Ramos, maaaring hindi kikita ang Golden rice sa pagbebenta ng binhi pero tiyak na kukubra ng bilyon-bilyon ang mga korporasyon sa agrikultura para sa mga kakailanganin nitong mamahalin at imported na mga pestisidyo at mga pataba.
Apela nila, umabot na ng P165 bilyon ang nalugi sa mga magsasaka dulot ng Rice Liberalization Law, naka-amba na naman silang lalupang malugi kung matuloy ang pagpaparami ng Golden Rice. Dahil dito, mapipilitan kaming bunutin ang mga Golden Rice sa aming mga lupa, ani Ramos.
Noong 2013, binunot ng mga kasapi ng Asian Peasant Coalition at KMP-Bicol ang mga punla ng Golden Rice sa isang pang-eksperimentong sakahan ng DA sa Pili, Camarines Sur.