Kaya pa ba ang sunod na gahiganteng pagtaas ng presyo ng langis?

,

Nakatakdang tumaas pa nang hanggang ₱5.50 ang presyo kada litro ng diesel sa susunod na linggo. Ito ang tantya ng kumpanyang Unioil noong Marso 5, matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa nakaraang dalawang buwan. Ang nakatakdang pagtaas na ito ang ika-10 na sa loob ng taon.

Liban sa diesel, taya ng kumpanya na madadagdagan pa ang dati nang mataas na presyo ng gasolina nang hanggang ₱3.50 sa pagitan ng Marso 8-13,.

Sa datos mismo ng Department of Enery noong Marso 2, nadagdagan na ng ₱7.95 kada litro ang gasolina, ₱10.20 kada litro ang diesel at ₱9.10 kada litro ang kerosene ngayong taon. Ngayon pa lamang lampas ₱80 na ang presyo kada litro ng diesel sa ilang bahagi ng bansa.

Tanong ng kababaihan: Kaya pa ba ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis?

“Lumalabas na mas mahal ang presyo ng produktong petrolyo sa mga rehiyon sa labas ng NCR – kahit pa mas mababa ang sahod sa mga lugar na ito,” ayon sa Gabriela Women’s Party. “Kaya napakalaking pasanin sa maraming kababaihan kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kita sa nagtataasang presyo ng pagkain at iba pang bilihin!”

Sigaw nila: PRESYO NG LANGIS, IBABA! Panawagan ng grupo na padagundungin ang protesta ng kababaihan sa darating ng Marso 8, Internasyunal na Araw ng Kababaihan. Kasama ang iba pang demokratikong grupo at progresibong partido, iginigiit nila ang kagyat na pagrorolbak ng presyo ng langis, ang pagbabasura ng batas sa oil deregulation, pagtanggal sa idinagdag ng rehimeng Duterte na mga buwis sa mga produktong petrolyo at pagpapanagot sa mga lokal na mga kumpanya sa langis sa matagal na nitong isinasagawang labis na pagpepresyo.

AB: Kaya pa ba ang sunod na gahiganteng pagtaas ng presyo ng langis?