Kilusan kontra mandatory ROTC, muling pinalalakas
Muling umuugong ang pagtutol ng mga mag-aaral sa mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa harap ng bantang ibalik ito sa mga unibersidad, pamantasan at eskwelahan. Reaksyon ito ng mga kabataan sa kamakailang pahayag ni President Ferdinand Marcos Jr sa kanyang unang State of the Nation Address na dapat ibalik ang mandatory ROTC o sapilitang pagtetreyning militar sa senior high school.
Sa nagdaang linggo, pinaiigting ng No To Mandatory ROTC Network, alyansa ng mga guro, magulang at tagapagtaguyod ng karapatang-bata, ang kampanya nito para labanan ang naturang plano. Kasalukuyan silang naglulunsad ng serye ng talakayan, pag-aaral at petisyon katuwang ang mga konseho ng mag-aaral at iba pang organisasyon.
Inilatag ng network ang anim na puntong dahilan kung bakit dapat tutulan ang mandatory ROTC:
1. Dagdag gastos at paglulustay ng pondo ng publiko
2. Dagdag pahirap sa mga estudyante, guro at magulang
3. Kultura ng karahasan at korapsyon
4. Nagtataguyod ng pekeng nasyunalismo
5. Banta sa kalayaang pang-akademiko
6. Paglabag sa lokal at internasyunal na mga batas at kumbensyon kaugnay ng karapatang-bata
Pagpapabasura sa ROTC noong 2002
Higit dalawang dekada na mula nang ibinasura ang mandatory ROTC matapos maitulak ng mga protesta ng kabataan ang reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas na baguhin ang programa noong 2002. Gayunpaman, kahit hindi na sapilitan, nananatili pa ring pasistang kasangkapan ng estado ang programa sa loob ng mga pamantasan sa sumunod na mga taon.
Naipatigil ang sapilitang ROTC noong Enero 2002 kasunod ng mga protestang sumiklab matapos ang pagkamatay ni Mark Welson Chua, 19 anyos na estudyante ng University of Sto. Tomas, noong Marso 2001 sa kamay ng kapwa upisyal sa ROTC ng pamantasan. Isiniwalat noon ni Chua ang mga anomalya, korapsyon at pang-aabuso sa loob ng UST ROTC dahilan para pag-initan at gantihan siya ng mga upisyal nito na sinipa at inalis sa pusisyon.
Simula Hulyo 2001, naitulak ng sunud-sunod na mga boykot, walk out at mga barikada ang pagbabasura sa programa. Sa pamumuno ng alyansang Abolish! (Network for the Abolition of ROTC,) nagkasa ng walkout sa ROTC treyning ang libong estudyante sa Metro Manila at nagmartsa tungong Mendiola noong Hulyo 1. Daan-daang kadete ng UST ang nagboykot sa treyning sa gitna ng mahigpit na seguridad. Nagsunog sila ng isang pares ng uniporme ng ROTC bilang simbolo ng kanilang protesta.
Sinundan ito ng walkout ng 400 kadete noong Hulyo 8 noong taon ding iyon sa Ateneo de Davao. Sa UP Baguio naman, 130 kadete ang nag-walkout noong Hulyo 14, 2001. Nagmartsa sila sa Session Road at hinikayat ang mga kadete ng iba pang eskwelahan sa lunsod na sumama sa protesta.
Hindi nagpatinag, libu-libong estudyante sa Metro Manila ang muling lumahok sa magkakasabay na kilos-protesta noong Hulyo 15. Umabot sa 7,000 estudyante ang nagbarikada sa University of the East-Caloocan, Adamson University, Arellano University at Technological University of the Philippines. Sa Far Eastern University, 500 kadete ang nagpiket.
Sa Tacloban City, kasama ang mga mag-aaral ng UP-Tacloban at Leyte State University, 200 kadete ang nag-walkout sa kanilang pagsasanay sa Leyte Institute of Technology. Umabot sa 300 ang nag-walkout sa UP Los Baños noong Hulyo 21, 2001. Sa Mindanao, lumahok sa walkout ang mga estudyante ng University of Mindanao, Ateneo de Davao University, University of Southeastern Philippines, Holy Cross of Davao College at San Pedro College.
Kasaysayan ng ROTC
Ang programa ay unang ipinatupad sa bansa noong 1922 bilang opsyonal na pagsasanay-militar sa University of the Philippines sa udyok ng US. Noong 1939, sa pamamagitan ng isang executive order, ginawang sapilitan ni Manuel L. Quezon ang pagsasanay na ito para sa lahat ng lalaking estudyante.
Nakapaloob ito sa pinakaunang batas na ipinasa ng gubyernong Commonwealth sa bansa, ang Commonwealth Act No. 1 (National Defense Act). Binuo ito ng US, sang-ayon sa sariling interes, bilang paghahanda sa banta ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Hangad ng US na gamiting pambala sa kanyon ang mga kabataang Pilipino sa napipinto noong inter-imperyalistang gera.
Sa sumunod na mga taon, laluna sa ilalim ng diktadurang Marcos I, ginawang ekstensyon ng pasistang makinarya ng reaksyunaryong militar ang sapilitang pagsasanay sa ROTC. Ginagamit ng reaksyunaryong sandatahan ang reserbang kwerpong ito sa paniniktik at paninindak sa mga progresibong organisasyon ng mga estudyante sa mga paaralan.
Sa parehong diwa, at pagtatabing dito bilang “pagtataguyod ng nasyunalismo”, muling itinutulak ang panunumbalik nito. Hindi iisang beses mula 2002 nang tangkang ipanumbalik ang sapilitang pagsasanay para sa ROTC. Una itong pinalutang noong 2006 nang maghain ng panukala sa Senado at House of Representatives para buhayin ang sapilitang pagsasanay. Sinundan ito ng pagtutulak ng Department of National Defense noong 2013.
Noong ika-16 Kongreso, hindi bababa sa anim na panukala ang isinumite para isabatas ito. Samantala, kinontra ito ng kinatawan ng Kabataan Partylist sa Kongreso na nagsumite ng panukalang tuluyang ibasura ang buong programa ng ROTC. Pebrero 2017 nang itulak mismo ni Rodrigo Duterte ang pagpapanumbalik ng mandatory ROTC sa senior high school.