Konseptong community pantry, tinatangkang sapawan ng PNP
Balita kahapon ang inilabas na memorandum ng Philippine National Police-Region 10 na nag-uutos sa mga presinto na magtayo ng kanilang bersyon ng community pantry na tatawaging “Barangayanihan.” Ipinag-utos ng memo na “magtanim” ng mga benepisyaryo, at kunan sila ng litrato para ipalaganap sa social media, para diumano ipakita ang “pasasalamat” ng mga tao. Ito ay matapos napwersang magsara ang unang community pantry na itinayo sa Kauswagan, Cagayan de Oro, ng isang 22-taong gulang na guro mula sa University of the Philippines matapos siyang idawit na nakaugnay sa NPA at rebolusyonaryong kilusan. Inamin ng PNP na ang utos na i-hijack ang konsepto ng community pantry ay nagmula sa nakatataas na upisyal ng pulis at para diumano magsilbi sa “counterinsurgency.”
Higit dalawang linggo na nang buksan ang kauna-unahang community pantry (o paminggalang pampamayanan) para suportahan ang mga kapwa Pilipinong gutom at walang trabaho. Mula noon, kaliwa’t-kanan ang pagsulpot ng mga bagong community pantry sa buong bansa. Mula kay Ana Patricia Non, na siyang nagpasimula ng inisyatiba, hanggang kay Angel Locsin, sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan, at maging sa ibayong-dagat, sumulpot ang mga ito. Umaabot na sa higit 600+ ang mga community pantry na itinayo ng iba’t ibang mga organisasyon at indibidwal.
Para sa karamihan ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho, hindi nakatanggap ng ayuda at patuloy na binabalewala ng gubyerno, simbolo ng pag-asa ang mga community pantry. Umani ng papuri ang inisyatibang ito ng mga Pilipino, mula sa mga dayuhang organisasyon, mga embahada at iba pang ahensya.
Inspirasyon ng Maginhawa Community Pantry
Nagsimula ang lahat nang maglagay ng isang maliit na kariton si Ana Patricia Non noong Abril 14 sa kahabaan ng Maginhawa St., Barangay Teachers’ Village East, Quezon City na mayroong ilang gulay, delata, bigas at iba pang pantawid-gutom. Nakapaskil dito ang mga katagang: “magbigay ayon sa kakahayan, kumuha batay sa pangangailangan” para paalalahanan ang mga nais magbigay ng donasyon at kumuha ng pagkain.
Ayon kay Non, sinimulan niya ang inisyatiba dahil “pagod” na siya sa kawalang-tugon o kulang na tugon ng gubyernong Duterte sa harap ng krisis. Nais niyang ipamalas na mayroong kakayahan ang komunidad na tulungan ang isa’t isa sa ganitong pagkakataon.
Pagkatapos magviral o kumalat sa social media ang ginawa ni Non, nagsulputang parang kabute ang mga community pantry sa Metro Manila at kalauna’y sa buong bansa.
Kabilang sa mga unang nagtayo ng community pantry ay ang mga pambansa-demokratikong organisasyon tulad ng Kilusang Mayo Uno. Itinayo nito sa harapan ng kanilang himpilan ang Tulong Obrero Community Pantry para suportahan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho, mga jeepney driver na hindi makapasada at mga kapwa manggagawa.
Itinayo rin ng grupong Kadamay at Gabriela ang mga soup kitchen na dati nang isinagawa nang naunang magpatupad ng arbitraryong lockdown ang rehimeng Duterte. Kaakibat sa pagbibigay ng mga donasyong pagkain, iginigiit nila ang pagbibigay ng kagyat na 10K ayuda at pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.
Nagtayo rin ng mga community pantry ang iba’t ibang institusyong relihiyoso sa kani-kanilang mga parokya. Hinikayat pa ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katolikong samahan at organisasyon na tularan ang halimbawang ito ng pagtutulungan.
Maging ang mga ‘fandom’ o mga organisasyong sumusuporta sa mga artisa, singer at KPOP ay nagtayo rin ng kani-kanilang mga community pantry. Pinagbigkis ang mga indibidwal at organisasyon ng kagustuhang tumulong sa harap ng kagutuman at krisis na dulot ng palpak na tugon ng gubyerno sa pandemya.
Si Parlade, ang pantry-crasher
Imbes na purihin ng gubyerno ang mga inisyatiba, nagpalaganap ng kasinungalingan at nired-tag ito ng spokespeson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na si Gen. Antonio Parlade. Ipinakalat niya na ang Partido Komunista ng Pilipinas ang nasa likod ng mga community pantry. Dahil sa takot, ang ilan sa mga itinayong community pantry ay napilitang pansamantalang tumigil o tuluyang nagsara, kabilang ang hindi bababa sa dalawang community pantry sa Cagayan de Oro.
Hindi na bago ang estilong red-tagging ng NTF-ELCAC. Ang halos lahat ng inisyatibang pagtutulungan maging sa nakaraan ay pinipintahan nitong “pula” para takutin ang kanilang nagkakaisang hanay. Kabilang dito ang mga community at soup kitchen sa nakaraan kung saan hinuli ang mga boluntir.
Dahil sa aksyong ito ni Parlade, binatikos siya at ang NTF-ELCAC ng mga sumusuporta sa community pantry. Maging ang ilang mga mambabatas ay nagsulong na paimbestigahan si Parlade dahil sa panrered-tag.
Sa harap ng panggigipit, mabagal at kulang na tugon ng gubyerno, patuloy pa ring lumalaganap ang mga community pantry sa buong bansa.