Konsultasyon sa mamamayan ng Cuba kaugnay ng Family Code, naging matagumpay
Umabot sa 6.48 milyong indibidwal o higit kalahati ng kabuuang populasyon ng Cuba ang nakalahok sa mga konsultasyong masa at pulong pagtitipon ng gubyerno kaugnay ng inamyendahang Family Code (Batas sa Pamilya) ng bansa. Ayon sa gubyerno, umabot sa 79,000 pagpupulong ang inilunsad.
“Masinsinan na trabaho ang isinagawa sa kabuuan ng konsultasyon sa mamamayan kaugnay ng borador ng Family Code, sa kabila ito ng mga kahirapang hinarap ng bansa,” pahayag ni Miguel Díaz-Canel Bermúdez, Unang Kalihim ng Partido at Pangulo ng Republika ng Cuba, sa isang pulong noong Mayo 10 kasama ang Drafting Commission (komisyon sa pagsusulat ng borador ng batas).
Nais ng gubyerno ng Cuba na makatulong ang isinagawang konsultasyon sa populasyon para salaminin nito at ng Konstitusyon ng bansa ang tunay at kasalukuyang kalagayan ng mga pamilyang Cubano.
Nilaman ng borador ang ibayong pagsasaklaw sa mga Cubano, hindi lamang sa usapin ng kasarian o sekswal na oryentasyon, kundi pati sa usapin ng edad, pagkilala sa kanilang mga kakayahan at pagkakaiba-iba, at gayundin sa pagkilala sa iba’t ibang anyo o kairalan ng isang pamilya.
Isang susing pagbabago sa panukalang Family Code ay ang paglalarawan sa kasal bilang “boluntaryong pag-iisa ng dalawang tao,” na nagbabago sa nakasaad sa umiiral na batas na ang kasal ay “pag-iisa ng isang lalaki at babae.”
Tinanggal din nito ang papahintulot sa mga batang nasa edad 14 anyos hanggang 18 na magpasya sa kanilang pagpapakasal. Sa batas na ipinasa noon pang 1975, pinapayagan ang pagkakasal sa mga batang babae na edad 14 at lalaki na 16 kung babasbasan ng kanilang magulang. Kabilang din sa amyenda ang pagpapahintulot sa mga ama at ina na pumili kung kaninong apelyido ipasusunod ang pangalan ng kanilang magiging mga anak.
Matatandaan na nagsimula noong Pebrero ang konsultasyon kaugnay ng pag-amyenda sa Family Code. Ayon sa Komisyon, kabilang sa mga isyung pinakapinag-usapan sa mga konsultasyon ang usapin sa “kasal, responsibilidad ng magulang, pag-aampon, solidarity gestation, progresibong awtonomiya, pagkakasunod-sunod ng apelyido, diskriminasyon at karahasan sa loob ng pamilya, gayundin ang assisted reproduction.”
Habang naging maayos ang konsultasyon, ayon kay Roberto Morales Ojeda, Kalihim sa Organisasyon ng Partido, nananatiling kinakailangang pagsikapang makabuo ng isang batas na “moderno at inklusibo, at yaong nagwawaksi sa hindi pagkakapantay-pantay.”
Matapos ang naturang mga konsultasyon, binuod at ibinigay na ang lahat ng datos at papeles sa National Assembly of People’s Power kahapon, Mayo 15. Isasalang ang inaprubahan ng Asembleya sa isang reperendum na pagbobotohan kung alin ang kikilalaning mga pagbabago. Ilalabas ang pinal na kodigo sa Hunyo 17.
Ayon sa mga upisyal ng Cuba, magsisilbing tila isang mapa ng buhay na maaaring balikan at konsultahin ng mga pamilya kaugnay ng kanilang mga desisyon. Ayon pa sa gubyerno, dapat patuloy pag-usapan ang batas kapag naaprubahan na ito para patuloy na pandayin ang pagkakaisa, pag-ibig, at pagkakapatiran ng kalalakihan at kababaihang Cuban, para sa patuloy na pagrespeto sa isa’t isa.
Para sa pangulo ng Cuba na si Diaz-Canel, ang pagkakaroon ng isang modernong Family Code — na nagpapakita ng kanilang determinasyon na ipagtanggol ang “lahat ng klaseng karapatang-tao” — ay isang “kinakailangang laban.”