Koordineytor ng Makabayan-Cagayan Valley, iligal na inaresto

,

Iligal na inaresto ngayong gabi, Pebrero 28, si Agnes Mesina, koordineytor ng Koalisyong Makabayan sa Cagayan Valley sa Appari, Cagayan ngayong ala-7 ng gabi. Kasama si Mesina sa isang fact finding mission papunta sa Barangay Sta. Clara sa bayan ng Gonzaga. Kasalukuyan siyang nakapiit sa Aparri Municipal Police Station.

Hinarang ang grupo ni Mesina ng mga pulis at ahente ng National Task Force-Elcac sa isang tsekpoynt sa bayan ng Gonzaga. Nakapaskil sa tsekpoynt ang mga balatengga na tahasang nagred-tag sa mga kilalang lider-masa at aktibista sa Cagayan Valley, kabilang si Mesina. Binasagan din silang mga “terorista.”

Layunin ng fact finding mission na nilahukan ni Mesina ang pagsiyasat sa kalagayan ng mga komunidad sa Sta. Clara na walang-patumanggang binomba mula sa ere ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nooong huling linggo ng Enero. Kasama niya ang mga myembro ng mga organisasyong makatao at taong simbahan.

Ayon sa ulat ukol sa insidente sa Barangay Sta. Clara, napilitang lumikas ang may 66 pamilya na karamihan ay mga pamilyang Agta dahil sa paghuhulog ng bomba na nagsimula nang alas-3 ng madaling araw at tumagal nang ilang oras.

Sa harap nito, kagyat na nanawagan ang grupong Karapatan na palayain si Mesina. Ayon sa grupo, ang ginamit na mandamyento de aresto laban sa kanya ay ibinasura na ng isang korte sa Tagum, Davao del Norte noong Hulyo 2021. Ito ang kaparehong kaso ng pagpatay na isinampa kay Windel Bolinget ng Cordillera People’s Alliance.

Ayon sa grupo, ang pag-aresto kay Mesina sa panahon ng eleksyon, bilang kabahagi ng mga grupong progresibong tumatakbo sa eleksyon, ay para dahasin, takutin at patahimikin ang Koalisyong Makabayan at oposisyon sa pulitika.

AB: Koordineytor ng Makabayan-Cagayan Valley, iligal na inaresto