Krisis sa trabaho, lalupang lumala
Muling bumagsak ang bilang ng may trabaho sa inilabas na datos noong Marso 18 ng Philippine Statistics Authority. Ayon sa ahensya, umaabot sa halos 3.6 milyon ang nawala sa pwersa sa paggawa noong Enero, mula 49.5 milyon noong Disyembre 2021 tungong 45.9 milyon noong Enero.
Ayon sa IBON foundation, idinidiin ng mga datos na ito ang hindi istableng sitwasyon ng mga trabaho sa bansa. Taliwas sa pahayag ng National Economic and Development Authority na simple lamang na “walang interes maghanap ng trabaho” ang mga manggagawang Pilipino, malinaw na bigo ang gubyerno sa paglikha ng regular at permanenteng mga trabaho para sa milyun-milyong nawalan ng trabaho sa nakaraang anim na buwan o higit pa.
Mayorya sa nawalan ng trabaho ay mga trabahong part time. “Bumagsak tungong 13 milyon mula sa 16.8 milyon ang mga manggagawang nagtatrabaho ng mas mababa pa sa 40 oras,” dagdag pa ng IBON.
Maging ang itinuturing na self-employed at walang binabayarang empleyado ay bumagsak ng 1.5 milyon, mula sa 12.9 milyon tungong 11.4 milyon. Pinakaapektado ang sektor ng agrikultura, kung saan 2.5 milyon ang nawalan ng trabaho.
Pinalala pa ng pagsirit ng presyo ng langis ang krisis sa paggawa, pahayag ng grupo. Umabot na sa ₱31 ang kabuuang halaga ng itinaas ng presyo ng langis mula Enero 2022. Ayon sa grupong Piston, halos ₱363 ang nakakaltas sa arawang kita ng mga tsuper ng dyip, dahil dito marami sa kanila ang tumigil sa pamamasada o naghanap ng ibang mapagkakakitaan.
Samantala, ang mga magsasaka naman ay naobligang magdagdag ng ₱2,000 kada ektarya ng kanilang gastusin dahil sa taas ng singil ng langis. Ayon naman Pamalakaya, grupo ng mga mangingisda, halos 80% ng gastusin sa produksyon ng mga maliit na mangingisda ay napupunta lamang sa gasolina.
Mas matindi pa, patuloy pa rin ang pambababarat ng rehimeng Duterte sa ayuda at subsidyo. Inanunsyo nito kamakailan na magbibigay ng ₱200 kada buwan sa 50% ng pinakamahihirap na pamilya dahil umano sa kakulangan sa pondo. Limitado rin ang subsidyo sa langis na ₱3 bilyon lamang na paghahati-hatian ng 377,443 nasa sektor ng transportasyon at 158,730 mangingisda at magsasaka ng mais. Limos lamang ito at hindi sasapat para isalba ang milyong Pilipino sa epekto ng nagtataasang presyo ng langis at bilihin, ayon pa sa grupo.