LAYAS MILITAR: Face-to-face na klase ipinagbabawal pero face-to-face na mga AFP seminar sa mga kampus para sa red-tagging, tuluy na tuloy
Noong Abril 6, isinagawa ng 403rd Ibde, 88th IB, kasama ang National Intelligence Coordinating Agency ng Region 10 ang face-to-face na “AFP porum” na tinaguriang “information awareness campaign” kaugnay diumano sa “campus infiltration’ ng CPP-NPA sa isang kulob na benyu sa loob kampus ng Central Mindanao University (CMU) sa Maramang, Bukidnon. Inobliga ng militar na dumalo rito ang mga estudyante, guro at personnel ng unibersidad para pakinggan ang mga paninira ng militar sa mga estudyante at guro. Isinagawa ang “AFP seminar’ sa panahong ipinagbabawal ng rehimeng Duterte ng mga harapang klase kahit sa mga lugar na mababa ang impeksyon tulad ng Bukidnon. Ang CMU ay isa sa mga premyadong pampublikong unibersidad sa bansa na nagtataglay ng kalayaang akademiko at di dapat pinapasok ng mga sundalo.
Noon pang nakaraang buwan binabatikos ng mga guro sa Alliance of Concerned Teachers ang pagpasok ng militar, katuwang ang mga rehiyunal na kontra-insurhensyang task force, sa mga eskwelahan at unibersidad para maglunsad ng mga “seminar” para labanan diumano ang “impluwensya” ng mga maka-Kaliwang grupo sa akademya. Pakay ng mga seminar na ito na siraan at ired-tag ang kanilang organisasyon at kaanib na unyon, sampu ng mga pambansa-demokratikong organisasyon at progresibong partido.
Hindi lamang tinatarget ng AFP ang mga lider at myembro ng mga organisasyon at unyong ito, isinasapeligro rin nitong mahawa sa sakit na Covid-19 ang mga titser, estudyante at personnel na napipilitang lumahok sa mga “seminar” ng mga sundalo.
Kabilang sa mga binatikos ng ACT noong Marso ang hininging face-to-face “seminar” ng militar sa mga eskwelahan sa Mindoro. Ayon sa grupo, ang pagprayoritisa sa kontra-insurhensya sa harap ng pagpapabaya sa edukasyon ng mga bata ay tanda ng pagkukumahog ng estado na isulong ang pasistang adyenda nito. Walang face-to-face na klase sa Mindoro sa lahat ng antas, sa kabila ng matagal na itong nakapailalim sa mas maluwag na lockdown.
Ayon sa grupo, labag ang gayong mga seminar sa sariling mga kautusan ng Department of Education, tulad ng DO 44, s. 2005 at DO 32, s. 2019 , kung saan itinakdang “sona ng kapayapaan” ang mga eskwelahan at sa gayon ay hindi dapat pinapasok ang mga armadong tropa.
Ipinanawagan ng ACT sa ahensya ng edukasyon na kagyat na ipatigil ang mga aktibidad ng militar sa mga eskwelahan at kundenahin ang pang-rered-tag sa mga unyon ng guro, gayundin ang di makatarungang pang-aaresto ng kanilang mga myembro.
Anila, dapat sipain ang militar sa pagpapatakbo ng ahensya at sektor ng edukasyon, tulad ng sa iba pang ahensya ng burukrasyang sibil, na kinubababawan na at pinakikialaman ng militar sa pamamagitan pagpapailalim sa mga ito sa NTF-ELCAC.