Leni, yumuko nga ba sa militar?

,

Ikinadismaya ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at iba pang grupo ang pagbawi ni Vice President Leni Robredo sa nauna niyang pahayag na sang-ayon siyang buwagin ang National Task Force (NTF)-Elcac.

Nagdeklara ng suporta si Robredo sa “mandato at tungkulin” ng NTF-Elcac matapos makipagpulong sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Nobyembre 26. Maaalalang noon lamang ikalawang linggo ng Nobyembre ay nanawagan si Robredo na buwagin ang naturang ahensya.

Para sa tagapagsalita ng PKP na si Marco Valbuena, dapat linawin ni Robredo kung yumuko na ba siya sa militar at tinanggap ang maling pagsusuri ng huli sa ugat ng armadong tunggalian sa bansa. Ayon kay Valbuena, ikinakatwiran ng militar na ang ugat umano ng labanan ay ang kakulangan ng imprastruktura sa mga baryo, pero ang totoo’y pinaglalawayan ng AFP ang bilyun-bilyong pondo ng NTF-Elcac para sa mga baryo sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP).

Itinuring naman ni Robredo ang BDP bilang “pinakamahusay na bahagi sa lahat.” Ngunit makailang ulit na itong inilantad ng PKP na batbat sa korapsyon at nagsisilbi lamang na pork barrel ng mga heneral upang palakasin ang impluwensya at kapangyarihan ng AFP.

Maalalang sa mga pagdinig ng senado sa badyet ng NTF-Elcac, nagpasya itong kaltasan ang ilalaang pondo mula sa hinihinging ₱28 bilyon tungong ₱4 bilyon. Kabilang ang mga kaalyado ni Robredo sa senado sa pinakamariin sa pagtuligsa sa mga anomalya sa NTF-Elcac. Ayon sa mga ulat, noong Nobyembre 11 ay 26 pa lamang (katumbas ng 1%) ng mga inilistang mahigit 2,000 proyekto ng NTF-Elcac ang natapos. Hindi rin ito naisasalang sa pag-aaral ng Commission on Audit.

Sa ilalim ng BDP, ang mga barangay na itinuturing ng AFP na “nalinis na sa NPA” ay paglalaanan ng ₱20 milyon upang pondohan umano ang mga farm-to-market road, klinik at paaralan. Pero ayon kay Valbuena, ang tunay na nagpapahirap sa malawak na mayorya ng mamamayan sa kanayunan ay ang kawalan ng lupang mabubungkal, mababang sahod sa mga sakahan, mataas na presyo ng abono, mababang presyo ng produktong agrikultural, liberalisadong pag-import at pagpupuslit ng mga produktong agrikultural. Aniya, dahil sa paghahabol sa pondo, kaya nilulusob ng mga sundalo ang mga baryo na kaakibat ang samu’t saring mga paglabag sa karapatang-tao.

Ipinunto ni Valbuena na ang pagpihit ni Robredo sa kanyang tindig ay nagpapakita na ang mga heneral ang nagdidikta ng mga patakaran ng gubyerno. Sa isang hiwalay na pahayag, sinabi niyang dapat umanong ipwesto ng mga lider ng bansa ang AFP sa tamang paglalagyan nito at paalalahanan ng paghaharing sibilyan: na ang militar ang sumusunod sa utos at patakaran, at hindi ang kabaligtaran.

Dismayado rin ang iba pang grupo

Nagpahayag ng pangamba si Makabayan Chairperson Neri Colmenares, kandidato sa pagkasendor, sa naturang pahayag ni Robredo. Aniya, hindi problema lamang sa pagpapatupad ang batayan sa panawagang buwagin ang ahensya, kundi ang sistematikong patakaran nito kabilang ang pagtarget sa sinumang itinuturing na “maka-Kaliwa” o kritiko ng gubyernong Duterte. Naglabas siya, kasama si Bong Labog, kapwa niya kandidato pagkasenador, at si Sonny Matula ng pinag-isang pahayag kaugnay dito. Si Matula ay isa sa mga inendorsong senador ng tambalang Robredo-Pangilinan.

Hinikayat naman ng Karapatan si Robredo na makipagpulong sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao at kanilang mga pamilya nang sa gayon ay malaman ang kanilang nakahihindik na mga karanasan at paghihirap. Para naman makuha ang impormasyon sa lawak ng nakaambang panganib ng NTF-Elcac, maaari ring konsultahin ng Bise Presidente ang mga tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga relihiyoso at mamamahayag, dagdag pa ng grupo.

Ganito rin ang tindig ng Kilusang Mayo Uno, na tinukoy ang napakaraming manggagawa at kanilang mga lider na biniktima ng NTF-Elcac, kabilang ang pagpapabaklas sa mga unyon at pagpaslang.

Diniinan naman ng Ang Alliance of Labor Leaders for Leni (All4Leni), ang pusisyon nila na hindi kontrainsurhensya ang daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan kundi malakas na mga unyon, kaseguruhan sa trabaho, nakabubuhay na sahod, reporma sa lupa at suporta sa mga magsasaka, pabahay at proteksyon ng kalikasan at lupang ninuno. Hiningi ng grupo na irekonsidera ng bise presidente ang kanyang pinakahuling pusisyon hinggil sa NTF-Elcac, gayundin ang kabuuang kontrainsurhensyang kampanya ng gubyerno.

Muli ring idinaan ng mga aktibista at kritiko ng NTF-Elcac ang panawagan sa pagbuwag sa ahensya. Sa isang takdang oras noong Nobyembre 27 ay nag-trend sa Twitter ang #AbolishNTFElcac.

AB: Leni, yumuko nga ba sa militar?