Libu-libong mamamayan nagprotesta sa araw ng unang SONA ni Marcos Jr
Inulat ng grupong Bayan na umabot sa 8,000 katao ang nagmartsa kahapon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para ipahayag ang tunay na kalagayan ng bayan kasabay ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Ferdinand Marcos Jr. Hindi natinag ang delegasyon ng mga pambansa-demokratikong organisasyon sa kabila ng makailang-ulit na paninindak, panggigipit at ala-batas militar na mga patarakan ng rehimeng Marcos.
Pangunahing iginiit sa protesta ang pagbibigay ng pansin sa papabulusok na sosyo-ekonomikong kalagayan ng mamamayan sa harap ng sumisirit na presyo ng langis, pagkain at batayang mga bilihin. Bitbit ng mga grupo ang malaking balatenggang may panawagang: ‘Krisis wakasan! Ipaglaban ang lupa, sahod, trabaho at karapatan!’
Iginiit din ng Bayan ang kagyat na pagtugon ng gubyerno sa 9-puntong adyenda ng mamamayan sa harap ng umiigting na krisis:
1. Tugunan ang implasyon at kaltasan ang buwis ng mga konsyumer
2. Pasikarin ang agrikultura at bigyang prayoridad ang produksyon ng pagkain
3. Gawing pundasyon ng makamamamayang pagpapaunlad ng ekonomya ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon
4. Gawing susing tunguhin ng gubyerno ng Pilipinas ang pagtatanggol at pagtataguyod sa karapatang-tao
5. Magpatupad ng malinaw na patakaran ang gubyerno para labanan ang disimpormasyon, pangalagaan ang kalayaan sa pagpapahayag at pamamahayag
6. Pagtibayin ang demokratiko, ethical at may pananagutang paggugubyerno
7. Magbigay ng libreng serbisyong pangkalusugan at batayang serbisyong sosyal sa mamamayan sa paglalaan ng pondo para rito
8. Itaguyod ang pambansang soberanya at nagsasariling patakarang panlabas
9. Tiyakin ang pangangalaga sa kalikasan, rehabilitasyon at balansyadong paggamit sa likas na yaman ng bansa
Kinundena rin ng Bayan ang “overkill” o labis-labis na na paghahanda at pagparada ng mga pulis sa unang SONA. Ayon sa kanila, malaking kasayangan sa pondo ng bayan at buwis ng mga Pilipino ang palabas na ito ni Marcos Jr.
Lumahok sa naturang protesta ang delegasyon ng mga progresibong grupo mula sa Southern Tagalog. Nagkaraban sila tungong Metro Manila noong Hulyo 24 at nagpiket sa konsulado ng China sa Makati, pambansang upisina ng Petron at iba pang lugar. Sumama rin sa martsa ang mga progresibong organisasyon mula sa Central Luzon.
Kontra-SONAng mga protesta rin ang inilunsad ng mga demokratikong organisasyon sa mga syudad ng Baguio, Naga, Bacolod, Iloilo, Kalibo, Davao City at General Santos.
Samantala, inaresto at ikinulong ng mga pulis ang dalawang kabataang Lumad na lumahok sa protesta sa Davao City sa gawa-gawang mga kaso.
Ipinarinig naman ng mga migranteng Pilipino ang kanilang nagkakaisang pagtutol sa anti-mamamayan at anti-mahirap na mga patakaran ng rehimeng Marcos. Naglunsad ng protesta ang mga Pilipino sa sampung estado sa United States, habang nagrali rin ang mga Pilipino sa limang prubinsya ng Canada at sa tatlong estado sa Australia. Nagkaroon din ng protesta sa Hongkong. Inilunsad nila ang mga protesta noong Hulyo 24 at 25.