Lupa ng mga magsasaka sa Cebu, 30 taong hinintay
Matapos ang higit 30 taong pakikibaka para igiit ang kanilanng karapatan sa lupa, nakamit rin ng 60 magsasaka sa Cebu ang kanilang titulo sa lupa. Ang mga magsasaka ay kasapi ng Nagkahiusang Mag-uuma sa Cadulawan Vito Camarin (NAMACAVIC) sa Minglanilla, Cebu. Ibinigay ang kani-kanilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) noong Oktubre 14. Katuwang ng mga magsasaka ang Farmers Development Center (Fardec) sa kanilang ilang taong pakikipaglaban.
Unang nakakuha ng CLOA ang 24 pamilya sa lugar noong 2000. Katuwang ang Fardec, naghain ng petisyon ang dagdag na 60 magsasaka para isama sa pamamahagi ng lupa. Inaprubahan ang kanilang petisyon noon pang 2001.
Kabilang sa mga magsasakang nakatanggap ng titulo si Tranguilino Sanchez, 78 taong gulang, dating lider ng NAMACAVIC at namuno sa kanilang kampanya noong dekada 1990. “Sobrang saya ko dahil nakatanggap ako ng titulo na matagal nang inilaban,” pahayag niya.
Nagpahayag ng pakikiisa at pagpupugay ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Cebu sa grupo ng mga magsasaka sa kanilang naging tagumpay. Hinimok ng grupo ang mga magsasakang Cebuano na patuloy na lumaban para tunay na repormang agraryo.
Ang CLOA ang titulo sa lupa na ibinibigay sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na sinimulang ipatupad noong 1987. Ang CARP ang pinakahuli lamang sa serye ng mga huwad at bigong programa sa reporma sa lupa sa nagdaang siglo sa ilalim ng reaksyunaryong estado. Sa halip na ipamahagi nang libre, inoobliga nito mga magsasaka na bayaran ang lupang dapat ay kanila na nagresulta sa daan-daang libong titulong nailit. Sinaklaw lamang nito ang 5.43 milyon ektarya o 44% lamang ng kabuuang 12.4 milyong ektaryang lupaing pang-agrikultura. Matapos ang mahigit 30 taon, ang malalawak na lupain ay nananatiling monopolyong pag-aari ng malalaking panginoong maylupa at dambuhalang korporasyon sa agribisnes.