Magniniyog, lider ng grupong Claim, ginigipit ng militar
Magkasunod na insidente ng panggigipit at iligal na pag-aresto ng isang magniniyog at isang organisador ng grupong Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (Claim)-Quezon ang naiulat nitong Marso.
Dinakip ng pinagsamang elemento ng Philippine National Police at 18th IB si Carlo Reduta, organisador ng Claim noong gabi ng Marso 18 sa Barangay Cawayan, Gumaca. Sinampahan siya ng gawa-gawang kaso ng pagpatay at bigong pagpatay. Kinasuhan rin siya sa ilalim ng Section 4 ng Anti-Terror Law na nagtuturing sa “pagtutol o protesta bilang krimen kung may tunguhin itong magdulot ng kasamaan.” Ikinulong siya sa Gumaca Municipal Police Station.
Ayon sa grupong Karapatan-Southern Tagalog, labis na nag-aalala ang pamilya ni Reduta sa kanyang kalagayan na ipapailalim siya sa mental torture at paninindak. Natatakot rin silang ilipat-lipat siya ng piitan para itago siya sa kanila.
Si Reduta ay anak ng bilanggong pulitikal na si Maximo Reduta na namatay sa sakit habang nasa loob ng piitan noong nakaraang taon. May kapatid din siyang dinakip at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso pero nakalaya din sa kalaunan.
Samantala, hinaras at tinakot ng mga sundalo ang lider-magniniyog na si Felizardo Repaso sa bayan ng Atimonan noong Marso 6.
Sa inisyal na ulat ng Karapatan-ST, tatlong araw na umaaligid ang mga sundalo malapit sa bahay na tinutuluyan ni Repaso at ng mag-asawa. Labis ang takot at pangamba na dinanas ng pamilyang Repaso mula sa paniniktik at paninindak na ginagawa ng militar sa kanila.
Kasabay ng mga paninindak, sunud-sunod ang sapilitan at pekeng pagpapasuko ng AFP Southern Luzon Command (Solcom) at NTF-Elcac sa mga kasapi ng Claim sa Quezon sa nagdaang mga buwan.
Noong Nobyembre 2021, nilinlang ng AFP ang aabot sa 485 magniniyog mula sa Agdangan, Quezon na dumalo sa isang programa at doon pinasumpa na “sumusuko” bilang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan at rebolusyonaryong kilusan.
Samantala, sa gitna ng kasagsagan ng pandemya noong 2020, pinaslang ang isa pang lider ng Claim na si Armando Buisan.
Ang mga magniniyog sa ilalim ng grupong Claim ay matagal nang itinutulak ang panawagang ibalik ang pondong coco levy para suportahan ang kanilang kabuhayan sa pagniniyog. Ang coco levy ay taripa na ipinataw noong panahon ng diktadurang Marcos na ibinulsa ng mga kroni katulad ni Danding Cojuangco. Ikinakampanya nila ang redistribusyon ng P105 pondong coco levy para sa kanilang mga magniniyog.
Iginigiit din ng mga magniniyog ang pagpapataas sa presyo ng pagbili sa kanilang mga produkto.