Malalagim na alaala ng mga pagmasaker ng diktadurang Marcos

, ,

 

(Una sa serye ng tatlong artikulo) “You must move on. Forget our history, and let us just forgive the Marcoses!” Iyan ang parang sirang plakang sagot ng mga loyalistang Marcos at mga Duterte Die-hard Supporters (DDS) sa tuwing kinukompronta sila ng mapait na katotohanan tungkol sa diktadurang US-Marcos.

Lubhang mahirap na basta na lamang na kalimutan ang mapait na bahagi ng ating kasaysayan na iyon, laluna ng mga aktwal na nakaranas ng 14-taong malupit na paghahari ng batas militar ni Ferdinand E. Marcos, Sr.

Paano ba natin mapatatawad ang diktadurang US-Marcos sa laksa-laksang krimen nito laban sa sangkatauhan?

At paano ba malilimutan ang malalagim na alaala ng mga abusong militar kabilang ang sa Jabidah at Palimbang masaker at iba pang nangyari katulad sa Samar, sa Panay at sa Negros?

Kabalintunaan na nangyari ang dalawang masaker na ito ilang buwan lamang makaraang inianunsyo ng diktador na si Marcos ang pagbatak sa kanyang “smiling martial law” noong Enero 17, 1981. Panatag na raw ang mga tao dahil nagbalik na sa normal ang pamumuhay nila.

Ngunit paano ba ipaliwanag ng mga nagtatambol na ang panahon ng mga Marcos ay isang “ginintuang panahon” na dapat lamang ipagpatuloy ng kanyang anak na si Dyunyor. Paano nila bibigyang-matwid ang masaker sa Sag-od, Las Navas, Northern Samar noong Setyembre 18, 1981 at ang Culasi Masaker sa Culasi, Antique sa Panay noong Disyembre 19, 1981? At apat na taon pagkalipas nito ay muling naganap ang Escalante Masaker sa Negros Occidental noong Setyembre 20, 1985?

Masaker sa Sag-od

Natutulog pa ang halos lahat ng residente ng Barangay Sag-od sa interyor na bahagi ng bayan ng Las Navas, Northern Samar noong umaga ng Setyembre 18, 1981 nang pukawin sila ng sunud-sunod na putok ng mga ripleng awtomatik. Galing ang mga putok na iyon sa 18 armadong tao nakapaligid sa kanilang baryo. Mga kasapi sila ng pwersang panseguridad ng San Jose Timber Corporation, isang kumpanya sa pagtotroso malapit sa barangay ng Sag-od.

Si dating Senador Juan Ponce Enrile ay pangunahing stockholder ng kumpanyang ito at noon ay Defense Minister ni Marcos.

Bahagi ang mga armadong taong ito ng mas malaking grupo ng 70-kataong “Special Forces” ng paramilitar na Civilian Home Defense Force na kumikilos sa erya. Binansagan silang “Lost Command” at pinamunuan ng kinatatakutang si Col. Carlos Lademora, alyas “Commander Brown”. Nanduon sila sa Samar dahil inatasan ng militar si Lademora na puksain ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Silangang Bisayas.

Pinababa ng mga armadong tao ang mga residente sa kanilang mga bahay at tinipon sa harap ng bahay ng barangay kapitan ng Sag-od. Inihelera ang kalalakihan sa plasa ng baryo habang dinala ang isang grupo ng kababaihan at mga bata sa labas ng baryo. Hindi pa nakalayo ang mga ito sa kanilang baryo ay narinig na nila ang mga putok ng mga baril. Tumagal ang putukan nang 15 minuto.

Walang nakaligtas sa kalalakihan, ayon sa ulat na inilathala sa librong “Pumipiglas: Political Detention and Miltary Atrocities in the Philippines, 1981-1982”.

Samantala, inutusang maglakad ang kababaihan at mga bata palabas ng baryo hanggang umabot sila sa magubat na bahagi. Tumigil sila sa may sapa na may isang kilometro ang layo sa baryo. Tinanong sila ng lider ng mga armadong lalaki kung kilala nila ang isang “Kumander Racel” ng BHB.

Nang walang sumasagot na may nakakilala sa naturang kumander ay sinimulan nilang alisin ang mga bata sa kanilang mga ina. Lalong naghigpit ang pagkapit ng mga bata sa kanilang mga nanay. At nang hindi nila mapaalis sa mahigpit na pagyakap ng mga bata sa kanilang nanay ay walang awang niratrat ng bala ng mga buhong ang walang kalaban-labang mga kababaihan at mga bata. Nagkulay pula ang tubig ng sapa ng Sag-od na nagsilbing libingan nila.

Sa kabuuan, 45 katao ang kumpirmadong pinatay—lalaki, babae at mga bata. Labintatlo lamang ang nakaligtas sa masaker na iyon. Kabilang sa mga nakaligtas ay ang 8-taong gulang na bata na si Marela Yanay, na nasugatan sa kanyang ulo at nagpapatay-patayan sa ilog. Kabilang sa mga minasaker ang kanyang ama, buntis na ina at 4-taong gulang na kapati.

Walang lumabas na balita sa mga kontroladong radyo at pahayagan sa Maynila, gayong halos naubos ang populasyon ng Barangay Sag-od.

Napabalita na lamang ang karumaldumal na pangyayari nang magpadala ng isang pangkat na nag-imbestiga sa Las Navas. Pinadala ito ng Makabayang Kilusan para Isulong ang Katarungan (MAKIISA-KA), isang alyansa para sa pagtatanggol ng karapatang-tao.

Noong Nobyembre 22, 1981 nalaman ng may 1,000 kataong dumalo sa public hearing na nagsiwalat sa naganap na masaker sa Sag-od at iba pang mga pang-aabuso militar sa Samar. Inisponsor ang public hearing ng MAKIISA-KA sa San Carlos University sa Cebu City.

Narinig ng British Broadcasting Company (BBC) ang public hearing at gumawa ito ng isang dokumentaryo tungkol sa masaker sa Sag-od at iba pang karahasan ng militar laban sa sangkatawhan sa Pilipinas. Laking galit ng Diktador Marcos nang maibrodkas ito sa BBC.

Nagulantang ang buong mundo sa isiniwalat ng BBC na madugong mga pangyayari mula sa isang bansang ipinangangalandakang mapayapa dahil nakapailalim sa isang diktadura.

 

AB: Malalagim na alaala ng mga pagmasaker ng diktadurang Marcos