Malawakang mga protesta sa Brazil para patalsikin si Bolsonaro, inilunsad
Umaarangkada ngayon ang mga protesta para itulak ang pagpapatalsik kay Pres. Jair Bolsonaro ng Brazil sa harap ng matinding krisis bunga ng palpak na pagtugon sa pandemya.
Puu-puong libong residente ang humugos sa mga lansangan ng mahigit 200 pangunahing lunsod at bayan ng Brazil noong Mayo 29 para kundenahin ang tinawag nilang “henosidyo” na idinulot ng kawalan ng aksyon ng rehimen. Panawagan din nila ang dagdag na bakuna at ayudang pangkagipitan para sa lahat ng apektado ng pandemya.
Nakapagtala na ang Brazil ng halos 460,000 na namatay dulot ng Covid-19–ikalawa sa pinakamataas sa buong mundo kasunod ng US. Aabot naman sa 16 milyon ang kabuuang kasong naitala sa bansa–ikatlong pinakamataas sa buong mundo.
Notoryus si Bolsonaro sa pagsabatohe sa iba’t ibang mga hakbanging pangkalusugan laban sa Covid-19 gaya ng pagpapabakuna, pagmamantine ng social distancing, pagsusuot ng face mask. Siya mismo ay hindi nagpabakuna para mag-udyok ng sentimyentong kontra-bakuna sa kanyang mga nasasakupan.
Sa ngayon, 46 milyong dosis pa lang ng bakuna ang natanggap ng Brazil, wala pa sa 11% ng 420 milyong dosis ng bakunang kinakailangan para bakunahan ang 210 milyong residente sa bansa. Nasa 10% pa lamang ng mga nakatatandang Brazilian ang nakatanggap ng kinakailangang dalawang dosis ng bakuna.
Sinimulan ng kongreso ng Brazil noong huling linggo ng Abril ang parlamentaryong pagdinig kaugnay sa kriminal na kapabayaan ni Bolsonaro at kabiguan niya na kumuha ng sapat na suplay ng bakuna. Kabilang sa mga nagbigay ng testimonya ang dating ministro sa kalusugan ni Bolsonaro na si Luiz Henrique Mandetta na kanyang sinibak noong Abril 15 dahil sa kanyang pagtutol sa hindi-siyentipikong pagtugon ng rehimen sa pandemya.
Nalantad din sa pagdinig ang pagtanggi ni Bolsonaro sa alok ng Butantan Institute na magsuplay ng 100 milyong dosis ng bakuna. Ang Butanan Institute ay isang Brazilian na kumpanya sa parmasyutika na nagmamanupaktura ng CoronaVac sa ilalim ng lisensya ng Sinovac. Bahagi ng alok ang pagdeliber sana ng 5 milyong dosis ng bakuna noong Disyembre. Nagpag-alaman na tinanggihan din ni Bolsonaro ang alok ng Pfizer na magpadala 1.5 milyong dosis sa bansa noong Disyembre.
Maliban dito, malawakan ding binabatikos ngayon ang pagtutulak ni Bolsonaro sa paggamit ng chloroquine, isang gamot sa malaria, para sa mga pasyenteng tinamaan ng Covid-19.