Malawakang sarbeylans ng CIA sa mamamayang Amerikano, nabunyag sa mga dokumento

,

Ibinunyag noong Pebrero 10 ng dalawang senador na ang malawakang sarbeylans ng Central Intelllgence Agency (CIA) sa mamamayang Amerikano sa nagdaang mga taon. Hawak nina Sen. Ron Wyden at Sen. Martin Heinrich, mga kaanib ng Democratic Party, ang mga dokumentong declassified o isinapubliko na nagsasad na mayroong sikretong lagakan ng datos ng ordinaryong mga Amerikano ang CIA.

Bultuhang kinukulekta ng ahensya ang mga pribadong impormasyon ng mga indibidwal lingid sa kanilang kaalaman gamit ang mga programang walang pahintulot mula sa anumang korte, at walang pahintulot o pagpapaalam sa sarili nitong kongreso. Laman ng isang dokumentong declassified ang mga programa o kaalaman na dating limitado ang nakakaalam o classified pero obligadong isapubliko matapos ang ilang panahon.

Pinatunayan ng mga dokumentong declassified ang matagal nang binabatikos na malawakang sarbeylans ng estadong Amerikano sa mamamayan nito. Isinagawa ito gamit ang Executive Order 12333, isang kautusang pinirmahan ng presidente ng bansa sa dekada 1980 na si Ronald Reagan.

Ang pag-declassify ng naturang mga dokumento ay tulak ng malakas na panawagang isapubliko ang saklaw ng pagmamanman ng CIA at iba pang ahensya tulad ng National Security Agency (NSA) at Federal Bureau of Investigations. Deka-dekada nang iginigiit ni Senador Wyder na maging mas bukas ang mga ahensyang namamahala sa inteledyens ng US.

Noong 2013, isa siya sa kumwestyon sa mga programang sarbeylans ng National Security Agency na ibinunyag ni Edward Snowden. Ayon sa mga dokumentong isinapubliko ni Snowden, tinitipon ng NSA ang lahat ng komunikasyon at impormasyon na dumadaan sa internet sa isang dambuhalang lagakan.

Tahasang nagsinungaling ang direktor ng National Intelligence ng US at sinabing hindi nagtitipon ang estado ng anumang tipo ng datos ng milyun-milyong Amerikano.

AB: Malawakang sarbeylans ng CIA sa mamamayang Amerikano, nabunyag sa mga dokumento