MandaramBONG REVILLA, tuluyan nang ipinawalangsala
Tuluyan nang pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Sen. Ramon (Bong) Revilla Jr sa 16 na kasong graft na isinampa laban sa kanya kaugnay sa kanyang “maling paggamit” ng priority development assistance fund (PDAF) mula 2007 hanggang 2009. Ayon kay Associate Justice Geraldine Faith Econg ng First Division ng Sandiganbayan, hindi umano sapat ang ebidensya para hatulan si Revilla. Ang naturang dibisyon din ng Sandiganbayana ng nagpawalang-bisa sa kasong pandarambong at nagpalaya kay Revilla mula sa detensyon noong 2018.
Ipinawalangsala si Revilla sa kabila ng ulat ng Anti-Money Laundering Council ng di maipaliwanag na pagpasok ng P81 bilyon sa mga account ng kanynag pamilya mula 2006 hanggang 2010. Liban pa rito ang P28 milyong inilagak na pondo sa isang di gumaganang kumpanya ng kanyang asawa na si Lani Mercado. Sa halip na si Revilla, hinatulan ang kanyang alalay na si Richard Cambe, na kunwa’y tumanggap ng kikbak na nagkakahalaga ng P224 milyon. Namatay si Cambe sa kulungan noong Abril 2019.
Sa kabila ng hatol. iniutos ng korte na ibalik ni Revilla sa pambansang gubyerno ang P124.5 milyong ninakaw niya. Tumangging sundin ito ng kampo ng senador. Ibinalik na rin sa kampo niya ang P480,000 pyansang binayaran noong pinalaya siya sa detensyon. Hindi na maghahapag ng petisyon para hamunin ang hatol, ayon sa upisina ng Ombudsman.
Isa si Revilla sa limang pinangalanang senador na kinasuhan noong 2014 ng graft at pandarambong kaugnay ng bilyun-bilyong pondo ng PDAF na idinaan kay Jane Lim Napoles at kanyang mga kasapakat. Liban kay Revilla, kinasuhan at ikinulong ng ilang taon sina Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile. Matagal nang nakalaya ang dalawa. Ang dalawa pang senador, sina Ferdinand Marcos Jr at Gregorio Honasan ay hindi sinampahan ng kaso. Ang mga kaso laban kay Estrada at Enrile ay nakatakda na ring dinggin sa Sandiganbayan ngayong taon.