Bago ang Earth Day: Mapanirang operasyong kwari sa Surigao del Norte, pinaralisa ng BHB
Pinaralisa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Surigao del Norte ang dam truck at payloader ng isang mapanirang operasyong kwari sa Magtiaco River, Barangay San Pedro, Alegria, Surigao del Norte noong Abril 19. Tinatayang aabot sa ₱5,700,000 ang halaga ng pinsala.
Ipinataw ng BHB ang sangsyon laban sa operasyong kwari na pagmamay-ari ni Alegria councilor Ruel Jalasan dahil sa pagkasira ng kalikasan at daloy ng tubig ng naturang ilog na nagdudulot ng pagbaha sa mga kanugnog na lugar. Gayundin, ayon sa yunit ng BHB, hindi nagpapasahod ng maayos ang operasyon sa kanilang mga manggagawa.
Isiniwalat din ng BHB-Surigao del Norte na si Jalasan ay nagmamantine ng aabot sa 40 kataong “private army” o mga armadong maton na ginagamit niya sa panahong nangangampanya. Ang pagdadala ng armadong mga pwersa sa loob ng mga saklaw na erye ng rebolusyonaryong kilusan para sa pangangampanya sa reaksyunaryong eleksyon ay mahigpit na ipinagbabawal.
Matapos ang armadong aksyon, ligtas na nakaatras ang yunit ng BHB. Hindi naglaon, sumiklab ang palitan ng putok sa pagitan ng mga armadong maton ni Jalasan at ng 29th IB sa pag-akalang magkalaban ang dalawang panig nang rumesponde ang mga sundalo. Napaslang dito si Ernesto Andojar, 44 taong gulang, na residente ng Baan 3, Butuan City na bahagi ng grupo ni Jalasan.