Marcos, naghirang ng sariling mga tauhan sa AFP, PNP, Comelec

,

May mga bagong hepe na ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (Comelec). Inanunsyo nitong Agosto 1 ng Malacañang ang paghirang kina Lt. Gen. Bartolome Bacarro bilang chief of staff ng AFP at Lt. Gen. Rodolfo Azurin bilang hepe ng PNP, at George Garcia bilang Comelec Chairman.

Sa paghirang kay Azurin, tinuldukan ni Marcos ang ambisyon ni Lt. Gen. Vicente Danao na maging hepe ng pambansang pulisya. Bago nito, habang umaaktong officer-in-charge ng PNP todo-todo ang pagpakitang-gilas ni Danao kay Marcos Jr.

Nadestino noon si Azurin sa Ilocos Region, at nitong huli, ay nagsilbing kumander ng Northern Luzon Police Area na may hurisdiksyon sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, at Cordillera Administrative Region. Naging kumander din siya ng Southern Luzon Police Area.

Magsisimulang manungkulan si Bacarro bilang hepe ng AFP sa Agosto 8. Nadestino rin siya sa Northern Luzon partikular sa Isabela sa Cagayan Valley Region noong 1991 at nitong huli, naging hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM).

Si Bacarro ang pinakaunang hepe ng AFP na may pirming tatlong-taong panunungkulan batay sa Republic Act 11709. Bukod sa chief of staff, saklaw din ng batas na ito ang deputy chief of staff, mga kumander ng mga pangunahing serbisyo ng reaksyunaryong sandatahang lakas, mga kumander ng mga unified command, at ang inspector general. Pero maaaring paagahin ang kanilang serbisyo batay sa personal na kagustuhan ng Pangulo.

Si Garcia naman ay dating abugado ni President Marcos Jr. Itinalaga siya sa Comelec noong kalagitnaan ng Pebrero para pangasiwaan ang maayos umanong automative electoral system na nagresulta sa “landslide victory” ng tambalang Marcos Jr-Sara Duterte.

AB: Marcos, naghirang ng sariling mga tauhan sa AFP, PNP, Comelec