Matapos ang 9 na taon: Tuloy ang laban ng mga magsasaka kontra Golden Rice

,

Naglunsad kahapon, Agosto 8, ng koordinadong mga aktibidad at pagkilos ang iba’t ibang samahang magsasaka at mga organisasyong tutol sa paggamit ng genetically modified organism (GMO) na palay o golden rice. Itinaon nila ito sa araw kung kailan binunot ng mga magsasaka sa Camarines Sur ang mga punla ng golden rice, siyam na taon na ang nakararaan.

Agosto 9 noong 2013, sinugod ng 400 mga magsasaka at kanilang tagasuporta ang eksperimentong sakahan ng International Rice Research Institute (IRRI) at PhilRice sa bayan ng Pili. Ang pagbunot nila sa mga punla ng golden rice ay simbolikong oposisyon nila rito. Nagawa nitong pigilan ang komersyalisasyon ng golden rice sa bansa sa taong iyun.

Sa kabila nito, naaprubahan noong 2017 ang panibagong aplikasyon para sa pagtatanim ng golden rice sa bansa.

Ang Golden Rice ay isang klase ng bigas na pinag-eksperimentuhan para umano tumugon sa kakulangan sa Vitamin A ng isang indibidwal. Pero lumabas sa mga pag-aaral na malaki itong kabulastugan, gayong lubhang marami (3.75 kilo kada araw) ang kailangang ikonsumo ng isang indibidwal para matugunan ang kinakailangang Vitamin A. Ang totoo, pakay nitong itali ang mga magsasaka sa paggamit ng mamahaling mga pestisidyo at abonong kemikal.

Ayon sa grupong Amihan, samahan ng kababaihang magsasaka, at Bantay Bigas, ang Golden Rice ay hindi praktikal, hindi kinakailangan at delikadong eksperimento na maaaring magdulot ng kapahamakan sa mga Pilipino magsasaka at konsyumer laluna sa mga bata, buntis at mga nagpapasusong ina.

Liban dito, ayon sa Stop Golden Rice Network Philippines, maaaring sirain ng golden rice ang lokal na mga klase ng palay na maaaring makapatay sa species nito. Kung magkagayon, lalong mahihirapan ang mga magsasaka, ayon sa grupo.

Ang makikinabang lamang umano sa naturang eksperimento at proyekto ay malalaking transnasyunal na agrokemikal na korporasyon na siyang magbebenta ng kinakailangang kemikal para patubuin ang Golden Rice.

Tinukoy na ng Department of Agriculture noong nakaraan ang pitong prubinsya na pag-eeksperimentuhang taniman ng golden rice. Kabilang dito ang Quirino, Catanduanes, Antique, Samar, Maguindanao, Lanao del Norte at Agusan del Sur. Pinaplano na ring ipatupad ito sa Ilocos Norte, Pangasinan, Nueva Ecija at Isabela.

Kung Vitamin A umano ang usapin, malusog ang lokal at laganap nang mga tanim sa bansa tulad ng kamote, karot, malunggay, kalabasa at kamatis. Dapat ang mga ito umano ang suportahan, pagdidiin ng mga grupo. Nanawagan sila na tutulan ang pagtutuluy-tuloy ng golden rice sa bansa.

Ngayong taon, naglunsad ng porum ang mga magsasaka sa Naga City habang nagprotesta ang mga magsasakang kasapi ng MASIPAG Visayas at Panay Alliance of Concerned Citizens for Environmental Protection sa upisina ng Department of Agriculture Regional Office 6 sa Hamungaya, Jaro, Iloilo.

Samantala, isinaad ni Ilang-Ilang Quijano ng Pesticide Action Network Asia Pacific (PANAP) sa isang pahayag na hindi malulutas ng golden rice ang krisis sa pagkain at kagutuman, kundi palulubhain pa nito.

AB: Matapos ang 9 na taon: Tuloy ang laban ng mga magsasaka kontra Golden Rice