May 8 | Duterte, naduwag sa pakikipagdebate kay Carpio
Umatras si Rodrigo Duterte sa sarili nitong hamon ng pakikipagdebate sa dating mahistrado ng Korte Suprema na si Antonio Carpio kaugnay sa kanyang paninindigan sa West Philppine Sea. Sa pahayag ng Malacanang kahapon, ang tagapagsalita ng pangulo na si Harry Roque na lamang daw ang haharap kay Carpio. Bunga nito, lumaganap ang hashtag na #DuterteDuwag sa internet kung saan kinutya ng mga netizen ang pag-atras ng pangulo.
Hinamon ni Duterte si Carpio sa isang debate noong Mayo 5 matapos sinabi ng huli na dapat kasuhan ang pangulo ng “grand larceny” o “estafa.” Ayon kay Carpio, maaaring gamiting batayan ang hindi pagtupad ni Duterte sa pangako niya noong 2016 na “magjejetski” patungo sa mga islang inaagaw ng China kung hindi nito iaatras ang mga barkong nakatigil sa soberanong karagatan ng bansa. Bago nito, minaliit ni Duterte ang naipanalong desisyon ng Pilipinas sa International Arbitral Tribunal sa The Hague noong 2016 sa pagsasabing mga “papel” lamang ito. Mali niyang inakusahan si Carpio na sangkot sa desisyon ng pag-atras ng mga barkong Pilipino sa Scarborough Shoal noong 2012. Pagmamayabang pa niya, magbibitiw siya sa pwesto kung mapapatunayang nagkamali siya. Pero tulad ng inaasahan, hindi siya nagbitiw sa pwesto.
Nitong nakaraang mga linggo, mas naging litaw ang tunggalian sa loob ng naghaharing uri kaugnay sa pagkikitungo ni Duterte sa China. Kabilang sa mga nagbitiw ng direktang pahayag ng pagpapalayas sa China sina Defense Sec. Lorenzana at hepe ng AFP na si Cirilito Sobejana. Araw-araw namang naghain ng diplomatikong protesta si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin, sa direksyon ni Gen. Hermogenes Esperon na tumatayong hepe ng National Task Force-West Philippine Sea. Bago nito, ilang linggo nang kumakalat ang balita na may isang grupo ng mga retiradong heneral na di sang-ayon sa kawalang-aksyon ng rehimen at nagbabantang iatras ang kanilang suporta kay Duterte.
Noong Mayo 4, naibalita nang “pinag-iisipan” ng AFP na magtayo ng mga istruktura sa Ayungin Shoal. Ilang linggo na ring nagpapadala ng mga barko ng Coast Guard sa lugar na ito — taliwas sa unang utos ni Duterte na pabayaan ang presensya ng mga barkong Chinese sa lugar para “iwasan” ang gulo.