Mayo Uno: Pagkilos ng mga manggagawa sa buong mundo

,

Ginunita ng milyun-milyong manggagawa ang Internasyunal na Araw ng Paggawa noong Mayo 1 para igiit ang makatarungang sahod at mga benepisyo, mas mahusay na mga kundisyon sa paggawa at pagkilala sa mga karapatan sa paggawa, laluna ang pag-uunyon.

Cuba. Mahigit-kumulang 700,000 ang humugos sa lansangan para tumugon sa panawagan ng estadong Cubano para bigyan-parangal ang mga manggagawang Cubano at palakasin ang pagtatanggol ng soberanya ng bansa laban sa agresyon at panghihimasok ng imperyalistang US. Ang Mayo Uno ay isa sa pinakamapopular na pagtitipon sa Cuba kada taon. Dalawang taon itong nasuspinde dulot ng pandemyang Covid-19.

Korea. Libu-libo ang nagmartsa sa Seoul, kabisera ng bansa, sa pangunguna ng Korean Confederation of Trade Unions. Panawagan nila: Karapatan sa paggawa nang walang diskriminasyon, disenteng trabaho para sa lahat at pagtatakwil sa di pagkakapantay-pantay.

US. Sa New York, daan-daan ang nagtipon para igiit ang pagtatanggol sa mga manggagawa at pagbabago sa mga kontra-imigranteng mga patakaran ng gubyernong US. Nagmartsa ang mga unyonista, kabilang yaong mula sa mga bagong buong unyon, laban sa mga hakbang ng malalaking kumpanya para buwagin ang mga unyon at pigilan ang pagbubuo ng mga bago. Ang martsa ay naganap sa gitna ng gitgitang pakikipaglaban ng mga manggagawa ng Starbucks at Walmart para mag-unyon sa pambansang saklaw. Nagkaroon din ng iba’t ibang laking mga martsa sa mga syudad ng Chicago, Los Angeles, Seattle, Las Vegas, Wisconsin, San Francisco, Boston, Washington D.C., Minnesota, Minneapolis at marami pang bahagi ng US.

France. Mahigit 250 mga martsa at protesta na nilahukan ng puu-puong libo ang inilunsad sa buong bansa para hamunin ang panunungkulan ng presidente ng bansa na si Emmanuel Macron. Isang linggo pa lamang ang nakalilipas matapos mahalal bilang presidente si Macron sa pangalawang pagkakataon. Sa Paris, kabisera ng bansa, dominado ang mga martsa ng tinawag na “far-left” (dulong Kaliwa) na naging karibal ni Macron sa eleksyon. Nananawagan ang mga grupo rito laban sa panukala ni Macron na itaas ang edad ng pagreretiro mula 62 tungong 65. Iginiit nilang dapat magkaroon ng mas malaking bahagi ng yaman ng bansa ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpababa ng panahon ng paggawa (working time). Mahigit 50 demonstrador ang inaresto.

Turkey. Naglunsad ng pagkilos ang Confederation of Progressive Trade Unions of Turkey bilang pagpapatuloy sa kanilang laban para itaas ang minimum na sahod ng mga manggagawa. Noon pang nakaraang taon sinimulan ng mga unyon ang negosasyon para itaas ang sahod mula 2,825 TRY (Turkish Lira o ₱9,969.42) tungong 5,200 TRY (₱18,350.80) ngayong taon. Mayroong 164 raliyista ang naiulat na inaresto ng mga pulis dahil wala umano silang permit para magrali.

Greece. Puu-puong malalaking pagkilos ang inilunsad sa iba’t ibang bahagi ng bansa, karamihan bilang pakikiisa sa welga ng mga manggagawa sa COSCO Shipping Lines, isang kumpanyang Chinese na may malawak na operasyon sa bansa.

India. Namula ang lansangan sa Sangareddy Industrial area sa Telangana sa India dulot ng pagkilos ng mga manggagawa mula sa Centre of Indian Trade Unions para sa mas mataas na sahod.

Sri Lanka. Nagpatuloy sa Mayo Uno ang halos 3-linggo nang protesta ng mamamayan na tinaguriang Occupy Galle Face na nananawagan para sa kagyat na pagbaba ng presidente ng bansa na si Gotabaya Rajapaksa. Ang kilusan, na nagsimula noong Abril 9, ay nilalahukan ng puu-puong libong Sri Lankan mula sa malalawak na demokratikong sektor na araw-araw nagpuprotesta sa Galle Face, isang lugar na nakaharap sa tirahan ng presidente. Pinatatalsik ng mamamayan si Rajapaksa dulot sa palpak niyang pagpapatakbo sa ekonomya, na naresulta sa mataas na presyo ng mga bilihin, palpak na mga serbisyong publiko (kabilang ang 10 hanggang 13-oras kada araw na mga blackout), at kasalatan ng batayang mga bilihin sa mga pamilihan. Tungo rito, nagsama-sama ang maraming maliliit na grupo sa oposisyon at malalawak na sektor ng mamamayan.

Ecuador. Ilampung mga martsa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang isinagawa ng mga manggagawa para batikusin ang nagtataasang presyo ng pagkain at langis, mataas na tantos ng disempleyo at karahasan laban sa mamamayan. Pinakamalalaki ang mga martsa sa Guayaquil at Cuenca sa pangunguna ng CONAIE at iba pang organisasyon ng katutubong Ecuadorian. Nakiisa sila sa mga manggagawa sa buong bansa sa pakikipaglaban sa neoliberal na mga patakaran ng nakaupong gubyerno.

Bolivia. Magkasabay na inianunsyo ng gubyerno at ng mga unyon sa ilalim ng Central Obrera Bolivaria ang pagtaas ng pambansang minimum na sahod nang 4% at pagtaas ng mga sahod ng mga manggagawa na tumatanggap ng mas mataas sa minimum nang 3%. Mula 2007, taun-taong nakikipagtawaran ang COB sa anumang nakaupong gubyerno para itaas ang pambansang minimum na sahod kada Mayo Uno.

Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Portugal, Germany, Belgium, Ireland, iba’t ibang bahagi ng United Kingdom, Cambodia, Iran, Russia , Dominican Republic, Panama at iba pang bansa.

AB: Mayo Uno: Pagkilos ng mga manggagawa sa buong mundo