Maysakit at natutulog ang mga Pulang mandirigmang pinatay ng 303rd IBde
Wala sa katayuang lumaban ang mga Pulang mandirigma nang sila’y paslangin ng mga pasistang sundalo ng 303rd IBde sa Hacienda Builders, Barangay San Pablo, Manapla, Negros Occiental noong Setyembre 30. Tahasang nilapastangan ng mga tauhan ng AFP ang internasyunal na makataong batas at mga batas sa digma.
Iniulat ni Ka Juanito Magbanua, tagapagsalita ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng Bagong Hukbong Bayan sa isla ng Negros, na pinalibutan at ni-reyd ng pinagsanib na pwersa ng pulis at militar ang tinutuluyan ng mga mandirigma sa ganap na alas-2 ng madaling araw habang sila’y natutulog. Tumuloy ang apat sa naturang bahay para magpagaling sa sakit na trangkaso.
Pinabulaanan ni Magbanua ang kwento ng mga upisyal ng 3rd ID na nagkaroon ng isang oras na palitan ng putok sa pagitan nila at ng BHB para itago ang isinagawa nilang pagmasaker. Nilabag ng mga sundalo ang mga batas kaugnay sa mga digma na nagsasaad na ang mga kombatant na wala nang kakayahang lumaban, tulad ng apat na mandirigma ay dinadakip at itinuturing na bilanggo ng digma.
“Malinaw na paglabag ito sa mga batas ng digma na nakasaad sa Protocol II ng Geneva Conventions at the Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP),” ayon kay Magbanua.
Nagbigay-pugay ang BHB-Negros Island sa apat na namartir na Pulang mandirigma na sina Marilyn Badayos (Ka Monet), Rudy Carbajosa (Ka Brod), Ronilo Desabille (Ka Wowie), at Rufino Bocaval (Ka Simo). Magsisilbi silang inspirasyon sa ibayong pagsusulong ng digmang bayan sa buong isla.