Mga bahay ng magsasaka sa Bulacan, pinagiba ng pamilyang Araneta

,

Giniba ng hindi bababa sa 20 gwardya ng Securicor Security Agency at mga tauhan ni Gregorio Araneta III ang mga bahay ng magsasaka sa Sityo Ricafort, Barangay Tungkong Mangga, San Jose Del Monte City, Bulacan noong Nobyembre 4. Armado ang mga salarin ng matataas na kalibreng baril na nagnakaw din ng mga kagamitan, alagang hayop at tanim na produkto. Sa isang bidyo na kinuha ng isang residente, makikita ang wasak na mga bahay at ebidensya ng ninakaw na mga produkto. Dinig rin ang pagbulalas ng galit ng mga magsasaka habang sinisiyasat ang pinsala ng krimen.

Ang insidente ay bahagi ng malawakang pang-aagaw ng Araneta Properties, Inc. sa lupang binubungkal ng daan-daang pamilyang magsasaka sa naturang syudad.

Sa nagdaang mga buwan, tumindi ang panggigipit ng mga tauhan ni Araneta sa mga magsasaka upang mapalayas sila sa bahagi ng mahigit 3,000 ektaryang pang-agrikulturang lupa na kinakamkam ni Araneta sa iba’t ibang barangay ng syudad. Kabilang sa mga hakbang ng panginoong maylupa ang pagtatayo ng mga bakod sa mga barangay upang harangan ang paglalabas-masok ng mga residente at kanilang mga produkto. Nagbuo rin siya ng private army sa lugar.

Mahigpit na katuwang ng pamilyang Araneta ang lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte. Noong Enero, binuldoser ng mga tauhan ng city hall ang taniman ng mga magsasaka sa Sityo Dalandanan ng parehong barangay. Sinira nito ang libong tanim na pinya, talong at saging. Sa insidente naman noong Nobyembre 4, tumanggi ang mga pulis ng syudad na isadokumento ang reklamo ng mga residente. Ang lokal na gubyerno ay may malawakang programa sa pagpapalit-gamit ng mga lupang pang-agrikultura para sa pakinabang ng malalaking negosyante at proyektong imprastruktura.

Ang pamilyang Araneta ay bantog na kroni ni Ferdinand Marcos. Si Gregorio ay asawa ni Irene, na anak ng diktador. Mula nang makapanumbalik sa pulitika ang pamilyang Marcos, kasabay nito ang mga hakbang din ni Araneta na muling mapasakamay ang mga kinamkam na lupang pinuwestuhan at pinagyaman na ng mga magsasaka.

Ayon sa Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan, ang mga magsasaka ng San Jose Del Monte ang nagsusuplay ng iba’t ibang klase ng gulay at pananim sa mga pamilihan sa Novaliches, Commonwealth at Balintawak sa Quezon City. Regular din silang nag-aambag ng kanilang ani para sa mga community pantry.

Ilang barangay mula rito, isinagawa rin ang iligal na demolisyon sa mga bahay ng mga magsasaka sa Sityo Seedling, Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal noong Oktubre 21, Araw ng Magsasaka. Ang demolisyon ay ipinag-utos ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System na umaako sa libu-libong ektaryang lupa sa lugar. Walang ipinakitang ligal na dokumento ang mga nagdemolis. Wala ring isinagawang konsultasyon ang MWSS bago nito ipinag-utos ang hakbang.

Tinuligsa naman ni Marco Valbuena, chief information officer ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang pinakahuling insidente sa San Jose Del Monte. Aniya, itinutulak nito ang aping mamamayan na tahakin ang landas ng rebolusyon.

Maaalalang noong Setyembre, nireyd ng Bagong Hukbong Bayan ang goons ni Arturo Robes na nagpapalayas naman ng 150 pamilyang magsasaka sa karatig na barangay ng Barangay Hilltop, San Isidro, Rodriguez, Rizal.

AB: Mga bahay ng magsasaka sa Bulacan, pinagiba ng pamilyang Araneta