Mga bakwit sa Haran, bumalik na sa Talaingod para ituloy ang laban
Bumyahe na noong Agosto 9 pauwing Talaingod, Davao del Norte ang huling grupo ng mga Talaingod Manobo na binubuo ng 105 Manobo (21 pamilya) mula sa UCCP Haran Center sa halos pitong taon. Nauna nang bumalik ang 51 sa kanila noong Hulyo 25.
Nagbakwit ang mga taga-Talaingod at nagsangtwaryo sa UCCP Haran Center sa Davao City noon 2014 matapos pauit-ulit na salakayin ng militar ang kanilang mga komunidad.
Sa anim na taong pananahan sa UCCP Haran, hindi tumigil ang mga pasistang sundalo sa pandarahas sa mga Lumad. Makailang ulit na nagsagawa ng “rescue” ang mga sundalo at lokal na gubyerno na lalong lumikha ng takot sa mga bakwit. Noong Pebrero 2016 ay sinunog rin ng grupong paramilitar na Alamara ang kanilang tinutuluyan.
Sa pag-alis ng mga Lumad noong Agosto 8, naging emosyonal ang programang inilunsad bilang pasasalamat sa pagkupkop at pangangalaga sa kanila ng UCCP Haran sa pamumuno ni Bishop Hamuel Tequis.
Ayon kay Datu Tungig Mansumuy-at, tagapagsalita ng Salugpongan Ta Tanu Igkanugon, babalik sila sa lupang ninuno sa Talaingod para ipagpatuloy ang pagdepensa sa Pantaron at harapin ang mga berdugong sundalong matagal nang nagkakampo sa kanilang mga komunidad. Ang Salugpongan ang nangungunang organisasyon na matagal nang lumalaban sa ekspansyon ng iligal na pagtotroso sa kanilang mga lupain.
Malinaw sa mga taga-Talaingod na hindi magiging madali ang pagbalik nila sa kanilang bayan, lalupa’t mayroong nakatirik na mga detatsment sa bawat sityo nito. Ngunit determinado silang lumaban, at igiit ang muling pagbubukas ng mga paaralang Lumad.
Tulad nang naging pagsuong nila sa mga lansangan ng Maynila nang ilunsad ang Manilakbayan, mga Bakwit School sa Cebu at Metro Manila, handa silang suungin ang mga pagsubok na haharapin sa pagbabalik sa lupang ninuno.
Nagkakaisa sila sa pagsabing: “Paragas ki! to pakigbisog!” Magpapatuloy ang kanilang pakikibaka.