Mga barangay tanod sa Negros, pinag-initan ng PNP matapos maambus ng BHB

,

Pananakot, panggigipit at paulit-ulit na interogasyon ang dinanas ng mga naninirahan sa Biao, Binalbagan, Negros Occidental na pinagbuntunan ng galit ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos maambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Linggo.

Dalawang pulis ang nasugatan sa opensiba ng BHB-South Central Negros (Mount Cansermon Command) sa Sityo Candida 2, sakop ng barangay. Dahil sa kahihiyan, ibinabaling ng mga pulis ang sisi sa walang-kinalamang mga sibilyan.

Ayon sa mga ulat, niransak ng mga pulis ang bahay ng isang magsasaka at winasak ang kanyang motorsiklo habang walang tao sa bahay. Nang makauwi ang may-ari, ipinailalim siya sa interogasyon.

Ipinatawag din kanina ang lahat ng mga barangay tanod ng Biao para “imbestigahan” sa kanilang “pagkakasangkot” sa naganap na ambus.

Ang lugar na pinangyarihan ng ambus ay halos isang kilomentro lamang ang layo mula sa detatsment ng mga sundalo sa Sityo Elinita at Sityo Bulwang.

Tugon ang armadong aksyon sa tuluy-tuloy na panggigipit at paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Duterte sa mga Negrosanon ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng yunit ng BHB. Lihim na nalapitan at nasorpresa ng BHB ang mga sundalo.

Batid ng BHB sa lugar ang plano ng 303rd IB na muling maglunsad ng nakapokus na operasyong militar sa mga barangay ng Binalbagan at Himamaylan sa darating na buwan.

AB: Mga barangay tanod sa Negros, pinag-initan ng PNP matapos maambus ng BHB