Mga biktima ng baha sa Quezon City, naigiit ang ayuda
Mahigit 40 residente ng Barangay Tatalon sa Quezon City ang nakatanggap ng ayuda mula sa lokal na gubyerno matapos na sama-sama silang nagpahayag ng kanilang hinaing sa kawalang tulong sa gitna ng malakas na ulan at pagbaha sa kanilang barangay noong Hulyo 16. Natanggap ng mga pamilya ang ayuda kahapon, Hulyo 19.
Pero ayon sa grupong Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan (PLM)-Tatalon, bagamat ikinagagalak nila ang pagtugon ng lokal na gubyerno, kulang na kulang ito dahil mahigit 800 na pamilya pa ang nabiktima ng baha at nangangailangan ng ayudang pangkagipitan.
Kaugnay nito, binigyang-diin nila na dapat kumilos din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamimigay ng kagyat na ayuda at tulong sa kanila.
Naghihintay ang mga biktima sa tulong na ibibigay ng DSWD matapos itong mangako ng ayuda nang makipagdayalogo sa mga apektadong residente noong Hulyo 18. Sa kilos-protesta sa harap ng upisina ng DSWD sa Batasan, Quezon City noong araw na iyon, inihayag ng mga maralita na karamihan sa kanilang mga gamit kabilang ang pagkain, damit at mga kasangkapan sa bahay ay natangay o nasira ng baha. Daing nila na napakabagal ng tugon ng gobyerno sa kanilang pangangailangan.
Ayon din sa PLM-Tatalon, ang pana-panahong malalang pagbaha sa komunidad ay dulot na rin ng kawalan ng proyekto ng gobyerno para sa disente, abot-kaya, at pangmasang paninirahan para sa maralita.
Sa panayam ng midya kay Myrna Casiao, 74 anyos na residente ng barangay na lumahok sa rali, sinabi niyang halos walang natira sa kanyang gamit.
“Nanghihina ako, wala nagbibigay ng pagkain. Antay ako nang antay, baka maabutan kahit tsaa,” sabi ni Casiao.
Nakiisa at lumahok din sa protesta ang sentrong samahan ng maralita na Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay). Samantala, umagapay at nagtayo ng isang community kitchen ang Tatalon Women’s Association at Lingap Gabriela para makatulong sa apektadong mga residente.
Aabot sa 900-1200 pamilya ang bilang ng naapektuhan ng mga pagbaha sa barangay.
Taun-taon, dumaranas ng papatinding pagbaha ang mga residente sa Metro Manila sa kabila ng bilyung-bilyong pondo na kunwa’y ibinubuhos sa mga proyektong kontra-baha (flood control) ng magkakasunod na rehimen.