Mga biktima ng Odette sa Negros, pinupwersa ng mga sundalo na unahing kumpunihin ang detatsment

,

Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan-Central Negros noong Disyembre 28 ang pananakot at pamimilit ng mga elemento ng 62nd IB sa mga nasalantang residente ng Guihulngan, Negros Oriental na unahin ang pagkumpuni ng detatsment ng militar na napinsala ng bagyong Odette.

“Binabalewala ng AFP ang kalagayan ng mga masa na siyang dapat na unahin,” ayon kay JB Regalado, tagapagsalita ng BHB-Central Negros. Marami sa mga residente ng lugar na nawalan ng bahay at kabuhayan at ngayon ay hirap na hirap na bumangon dulot ng nagtataasang presyo ng gamit sa paggawa ng bahay.

Wala na ngang naitulong sa mga masa, lansakan pang nire-redtag ang mga residenteng nagtutulong-tulong sa pamamagitan ng sistemang “dagyaw-alayon” o “bayanihan.” Para sa mga residente dito, manhid at sariling ganansya lamang ang iniisip ng AFP.

Sa Negros Oriental pa lamang, hindi bababa sa 73 ang nasawi sa bagyong Odette. Malaking bahagi ng erya ang wala pang kuryente habang aabot na sa ₱2 bilyon ang halaga ng nasira. Habang 12,000 residente ang hindi pa nakakabalik sa kanilang mga tahanan.

Sa aktwal, “nagpapatuloy ang militarisasyon sa Negros” sa gitna ng pinsalang dala ng bagyong Odette, ayon kay Regalado.

Sa Negros Occidental, may mga ulat ang mga residente ng mga sundalong naglalasing sa gitna ng kalamidad. Kabilang dito ang sa Sityo Banat-e, Barangay Macagahay, Moises Padilla. Isang buwan palamang ang nakalipas nang lansakang nagpaputok ang mga tropa ng 62nd IB sa Sityo Kasingan, Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental.

Sa kaugnay na balita, ginunita ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Negros ang ikatlong taon ng madugong masaker sa Guihulngan na isinagawa sa balangkas ng Oplan Sauron. Ayon kay Regalado, mailap pa rin ang hustisya para sa mga kapamilya ng anim na magsasakang biktima ng masaker. Malaya pa rin ang mga kriminal at mamamatay-tao na sina Debold Sinas, Cecil Burgos-Villavert, at utak nito na si Duterte.

Aniya, patong-patong na ang dinaranas na paglabag sa karapatang-tao ng mga residente ng Central Negros. Nangako naman ang BHB na magpapatuloy na ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan, konsolidahin ang baseng masa, isulong ang agraryong rebolusyon at maglunsad ng taktikal opensiba upang biguin ang kontra-rebolusyon ni Duterte at ipagtagumpay ang matagalang digmang bayan.

AB: Mga biktima ng Odette sa Negros, pinupwersa ng mga sundalo na unahing kumpunihin ang detatsment