Mga estudyante sa US, nagwalk-out para ipanawagan ang gun control
Libu-libong estudyante sa elementarya at hayskul sa US ang nagwalk-out noong Mayo 27 para ipanawagan ang kagyat na mga reporma laban sa karahasang idinudulot ng walang regulasyong paglipana ng mga baril sa kanilang bansa.
Ginawa nila ang pagkilos matapos ang insidente ng pamamaril na pumatay sa 19 sa isang paaralan sa Uvalde, Texas.
Noong Mayo 24, 19 estudyante, karamihan edad 10 anyos, at dalawang guro ang namatay sa pamamaril ng isang 18-anyos na lalaki sa loob ng Robb Elementary School sa Uvalde. Bago nito, binaril din ng naturang lalaki ang kanyang lola at iniwang lubhang sugatan. Naging malaking usapin sa komunidad ang mga kahinaan ng pulis sa pagresponde sa sitwasyong nagdulot ng malaking troma sa mga bata at buong komunidad.
Ang pamamaril sa Uvalde ay isa sa 85 insidente ng pamamaril sa loob ng mga eskwelahan sa US sa 2022 lamang. Ayon sa grupong EveryTown for Gun Safety, nagresulta ang mga insidenteng ito sa pagkamatay ng 36 na indibidwal at pagkasugat ng 68 pa. Anito, mula 2013, umabot na sa 933 insidente ng pamamaril sa loob ng mga eskwelahan ng US. Nagdulot ito ng pagkamatay ng 317 indibidwal at pagkasugat ng 644, karamihan mga batang estudyante. Ang EveryTown ay kalipunan ng mga grupong naghahangad ng mga reporma para kontrolin ang pagbebenta sa mga indibidwal at responsableng paggamit ng mga baril sa US.
Pinamunuan ng grupong Students Demand Action ang mga walk-out sa mahigit 200 eskwelahan sa 34 estado sa US (katumbas ng rehiyon). Anila, ang karahasan mula sa naglipanang mga baril ay isa sa nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga bata at tinedyer na Amerikano.
“Apektado ang kakayahan ng mga bata na matuto, lumaki at umunlad sa bawat pagputok ng baril na kanilang nararanasan,” ayon sa grupo. Kinilala nitong mas madalas na apektado ang mamamayang may kulay, tulad ng mga Black at Latino, dahil sa “sistematikong di pagkakapantay-pantay sa loob ng mga institusyon at hene-henerasyon nang diskriminasyon na nakabatay sa lahi.” Ang Uvalde sa pangunahin ay isang komunidad ng mga Latino. Ang nambaril ay isa ring Latino.
Nanawagan ang grupo sa lahat ng mga estudyante na magsagawa ng mas masaklaw pang mga walkout sa kani-kanilang mga eskwelahan sa Hunyo 7.